FLYING VOTERS SA PUGO, LA UNION

Lubos na naaalarma ang mga mamamayan ng bayan ng Pugo sa lalawigan ng La Union dahil sa pagdagsa ng mga
bagong nagpaparehistro sa Commission on Election upang makaboto sa halalang 2025. Ayon sa citizen organization
na Save Pugo Movement, mula Pebrero 12 hanggang Agosto 15 ngayong taon lamang, ay nakapagtala na sila ng 2,487 aplikanteng nais maipasama sa list of voters sa Commission on Elections-Pugo. Sa bilang na ito, higit sa kalahati o 1,386 ang transferees.

Hindi naman labag sa batas ang pagpapalipat ng kung saan nais bumoto. Ngunit hindi pa nararapat lamang na masusing rebisahin ng Comelec-La Union sa pangunguna ng bagong talagang Election Supervisor ng probinsya na
si Provincial Election Supervisor Atty. Alipio Castillo III. Dahil kahinahinala ang bilang ng transferees na 250 sa mga 625 aplikante mula Feb. 12 to March 30; 427 ang transferees sa 858 aplikante mula April 1 to June 30; at 709 transferees sa 1,004 aplikante mula July hanggang to Aug. 15.

Ayon sa talaan ng Save Pugo Movement, ang mga transferees na nababanggit ay nagpalipat sa 13 barangays sa 14 barangays ng Pugo, na isang fifth-class municipality na may 12,786 registered voters. Kahinahinala ang mga pigura dahil, ayon sa mga mamamayan ng Pugo, halos hindi man lang diumano kilala ng mga transferees ang pangalan ng Punong Barangay o mga Barangay Kagawad man lang sa kanilang nililipatan.

Suspetsa’y mga binayaran ang mga naturang transferees bilang preparasyon sa pagtakbo ng isang lumipat ding pulitikong balak tumakbo bilang Mayor sa Pugo. Kung ipapaubaya ng Commission on Election ang kabulastugan ng mga utak ng kalapastanganan sa Pugo, La Union, kahalintulad na rin nito na kabahagi ito ng pagbabalahura sa proseso ng pagpili ng nararapat na mamuno sa bayan. Maaring nangyayari ang paglapastangang katulad nito sa
Pugo sa mga nakaraang eleksyon, ngunit hindi tamang ipagkibit-balikat lamang at ipinagpapatuloy ang pagbabalahura sa halalan sa pamamagitan ng mga maiitim na iskema na bagama’t legal, ay hindi makatarungan.

Amianan Balita Ngayon