BAGUIO CITY
Isang malaking pagkakataon para sa publiko ang isinagawang libreng legal consultation, notarization, at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ng University of the Cordilleras (UC) College of Law sa Malcolm Square, Baguio City, noong Marso 19-20. Maraming residente ang nagpunta upang samantalahin ang serbisyong hatid ng unibersidad katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Baguio at iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Ang aktibidad na ito ay taon-taong isinasagawa bilang bahagi ng adbokasiya ng UC College of Law na mapalapit ang hustisya at serbisyo sa mga mamamayan.
Ayon kay Aihza Eisma, isa sa mga lumahok, malaki ang naitulong ng libreng konsultasyon para sa kanyang mga dokumentong may
kaugnayan sa trabaho. “Kailangan ko ng legal consultation para sa notarization ng ilang papeles ko sa trabaho. Napakalaking tulong nito, lalo na sa mga kagaya kong kailangang ayusin ang mga dokumento,” aniya. Bukod sa legal na serbisyo, dumalo rin ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang tugunan ang pangangailangan ng publiko sa iba’t ibang usaping administratibo at dokumentaryo.
Kabilang sa mga ahensyang nakiisa ay ang Bureau of Internal Revenue (BIR), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Transportation (DOTr), at Department of Labor and Employment (DOLE). Nagbigay din ng tulong ang Public Attorney’s Office (PAO) para sa mga nangangailangan ng legal na representasyon, habang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay tumugon sa mga katanungan kaugnay ng usaping pangkapaligiran.
Para naman sa mga manggagawa at benepisyaryo ng social services, dumalo rin ang Social Security System (SSS), Department of Social
Welfare and Development (DSWD), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Migrant Workers (DMW). Sa mga nangangailangan ng impormasyon ukol sa pabahay at urban development, nandiyan ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) upang magbigay ng gabay sa mga nais magkaroon ng sariling tirahan.
Isa sa mga tampok na serbisyo sa aktibidad ay ang libreng notarization ng mahahalagang dokumento tulad ng affidavits, deeds of sale, at iba pang ligal na papeles. Marami sa mga dumalo ang nagpahayag ng pasasalamat dahil sa malaking katipiran na hatid ng programang ito.
Ayon sa UC College of Law, patuloy nilang isusulong ang ganitong uri ng aktibidad upang mabigyan ng libreng legal na serbisyo ang publiko, lalo na ang mga walang kakayahang magbayad ng pribadong abogado. Dahil sa tagumpay ng aktibidad, inaasahang ipagpapatuloy ito ng UC College of Law sa mga susunod pang taon upang mas maraming mamamayan ang makinabang. Sa pamamagitan ng programang ito, naipapakita ng UC College of Law ang kanilang malasakit at dedikasyon sa pagbibigay ng serbisyong legal na abot-kamay ng bawat mamamayan.
Jude Marc Biccay/UB-Intern
March 22, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025