GANITO NOON, GANITO PA RIN?

ILANG araw na lang – eksaktong 8 tulog na lang – at boboto na tayo. Muli na naman nating babalangkasin ang direksyon ng lungsod, at ng bansang mahal, sa susunod na tatlong taon. Sa marami sa ating mga bomoboto, tiyak namang atin ng napag-isipan ang mga karapat-dapat na maihalal – ang 12 napupusuan upang gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga Senador at ang mga mamumuno sa ating
kabayanan at kalunsuran. Ngunit, bakit kaya mayroong mga bulung-bulungan na higit na marami ang wala pang desisyon kung sino ang
magkakamit ng ating matamis na Oo, oo na. Ano nga ba ang mga pagbabasehan ng ating mga pagpipilian? Kasama ba dyan ang mga personal na relasyon natin sa mga masugid na nakikisuyo n gating boto?

Nagkaroon ba ng lamat ang relasyong iyan sa panahon ng panunungkulan, anuman ang posisyon kanyang ginampanan? Sila ba ay naging
matapat sa kanyang sinumpaang tungkulin ng walang anumang bahid na duymungis sa ngalang kanyang bitbit sa buong panahon na
kanyang ginugul? Kakayahan. Karangalan. Karakter. Dala ba ng iyong napupusuan ang mga katangiang hindi kukupas anuman ang panahon, at higit pa kung masusubukan? Nasa kanila ba ang mga katangiang ito upang manatili tayong nakakasiguro sa ating muling
pagsubok sa pamamagitan ng pagboto at pagsuporta sa kanila? Kung ang kasagutan sa mga tanong na ito ay isang malakas na “Oo, oo na”, ating ituloy ang pagsuporta sa kanilang mga pagsuyo.

Ating wakasan ang pagpili at ang taimtim na pag-iisip, at ibigay an gating matamis na pagsang-ayon sa kanilang idinudulog. Kung ang kasagutan ay isang humihiyaw na “hindi, kailanman ay hindi”, huwag ng mag-atubili, gaano man kalakas ng mga pagsuyong may kalakip
na ayudang sa ating mga buwis – direkta at hindi man – ang pinanggalingan. Ang salaping tinutumbasan ng iyong boto ay tahasang pagsuhol. Tanggapin iyan ng maluwag, dahil ito ay nag-uugat sa iyong pagbuwis ng dugo, luha at pawis. Pinaghirapan mo iyan at wala
kang dapat na itanaw ng utang na loob, wala kang dapat na ipagpasalamat kaakibat ng botong iyong ibinibigay bilang ganti sa kabutihang loob ng kandidatong hayagan ang pag-alipusta sa iyong pagkatao.

Nakalulungkot na sa nakaraang pagpupulong ng mga nakikisuyo sa sambayanan ay malinaw na nailahad ang mga pangakong binalangkas bilang plataporma upang bumuti ang kaayusan ng lungsod, upang bigyan ng ginhawa ang mga kababayang hanggang sa kasalukuyan ay dumaranas ng kawalan. Hindi makakalimutan ang mga prangkang sagot sa mga tanong ng bayan – mga tanong na binigyang tinig ng mga naging abala sa pamamalakad ng mga kuro-kuro. Maraming isyu ang lumabas upang maungkat kung anong uri ng karakter ang bukod-tanging pagsasandalan ng mga sumusuyo. Isang mainit na usapin ang pinangangambahang isyu ng dinastiya sa pulitika na hindi naiwasang maitanong sa mga magkakatunggali. Dapat bang iisang angkan ang pagkatiwalaan upang balangkasin ang mga platapormang huhulna sa lungsod?

Hindi maiwasang tanungin ang mag-asawang sabay na nag-kandidato sa dalawang pinakamataas na posisyon – ang pagiging Mayor at
Congresswoman – at kapansin-pansin ang masigabong palakpakan nang ang tanong ay pumailanlang. Hindi ba’t pagkamkam ng kontrol sa pulitika ang isinagawang pag-kandidato ng mag-asawa? Hindi ba’t napagkaitan ang maraming iba pa na maaaring mayroon ding
kakayahan, karakter at kahusayan na iharap ang mga sarili sa pagsusuri ng taong-bayan? Hindi ba’t kasakiman ang magnasang isailalim sa iisang angkan ang mga direksyong kinakailangan ng lungsod upang mapabuti, maisaayos, at mahigtan pa ang mga nakamtang mga tagumpay ng lungsod? Sila na lamang ba ang may apat na K upang pangunahan ang patuloy na pagsulong ng Baguio sa isang kinabukasang higit na may aliwalas sa pagsasaayos ng lungsod?

Isang kamalayan ang humugis sa talakayan na hindi maitatatwa: Wala na bang iba? Kailangan bang iisang angkan ang bumandila sa mga interes ng sambayanan? Kung ang isa sa kanila ay nagkakasala sa panunungkulan, mayroon bang tinig sa kanyang asawa na ating
kariringgan upang sawatain ang umiiral na kamalian? Muli at muli nating balikan ang nasabing pagpupulong na tinaguriang Baguio Leaders Forum. Higit nating suriin ang mga kasagutan ating narinig. Lalo pa nating paglimi-limiin ang okasyong nagbigay liwanag sa
landas na tatahakin ng lungsod at ang daraanang karanasan ng ating mga kababayang ating itinataguyod. Habang ang iilan – sa pangunguna ng Punong Silbing Bayan – ay sineryoso ang okasyon, at may mga paghahandang nagawa, upang higit silang maunawaan ng
madlang pipol – ang iba naman ay parang walang kahit na anumang preparasyon ang ginawa.

Nagmistula tuloy silang walang kahandaan. O dili kaya naman, ay talagang wala pa sa kanilang mga kaisipan ang ginaganap na talakayan. Para sa mag-asawang tahasang ipinagkait ang dangal ng mga posisyong kanilang kinandatuhan, tila hindi nila inalintana na magiging apoy ng usap-usapang ang pagnanasang mapalakas pa ang pagpapaisang kamay sa pagiging Alkalde at Representante ng lungsod. Walang sinopaman, wala ng iba pa? Kahit ano pa man ang kanilang kasagutan, hindi maipagkakaila ang linaw ng adhikain na sa iisang angkan
lamang ang may karapatan, ang may kakayahan, ang may kinikilingang personal na adhikain: ang mailagay sa iisang ngalan ang
pagbalangkas sa kinabukasan ng isang lungsod, na kamkamin ang anumang biyaya – at marami ito, bugkos-bugkos, sako-sako – dahil sila lamang ang katangi-tanging hindi kailanman matatangihan ng madlang pipol.

Ang sabi nga ng barbero kung nag-mamarites – kaswapangan ang nangyaring pagbalahura sa demorasyang ating tinatamasa sa pawis, luha at dugo n gating mga nagbuwis ng buhay upang ating maranasan ang maging mala at pantay-pantay sa mga oportunidad na laan sa bawat isa. Dagdag pa niya: Ganid. Gahaman. Garapal. Sa huling pagkakataon bago natin iboboto ang mga karapat-dapat, lalo at higit
nating pag-isipan ang ating mga napipisil na punuin ng tinta ang mga espasyong nasa balota. Kaya naman, ngayong iilang araw lang ang daraan, ay atin ng babalangkasin ang direksyon ng pamamahala dito sa ating mahal na lungsod. Ang sabi ng ng mga pantas sa pulitika, ang halalan ang siyang basehan ng pagpataw ng kapangyarihan upang ang isang bayan o sa pangkalahatan ay buong bansa ay ating maisusulong sa landas na dapat ay tatahakin.

Ang mga walang maipamalas na resulta ng kanilang paninilbihan, huwag ng mag-atubili. Alam mo na ang gagawin. Ibasura ang kanilang
mga ngalang binahiran ng kawalan ng tunay na paglilingkod at ang hayagang pagyurak sa dangal ng sambayanan. Ang mga nanilbihan
naman ng buong katapatan, malasakit, at pagmamahal sa lungsod – silang mga walang tigil ng pag-asikaso sa mga pangangailangan ng
mamamayan, mga serbisyo publikong dapat na ikarangal at ipagmalaki – atin silang bigyang papuri at pagpapahalaga sa pamamagitan ng muling pagluklok sa mga posisyong sila lamang ang mayroong karapatan at wala ng iba pa. Ating isaisip ng buong katapatan, bilang pagtupad sa tungkuling maging bahagi ng pag-sasaayos , sa pagpapabuti, at sa pagpapaganda pa ng Baguio: ng ayuda ay galing sa ating mga buwis na binayaran – directly and indirectly – at kailanman ay hindi sa pagmamagandang loob ng mapanlinlang na tiwali sa
paglilingkod. Wala ng iba pang kadahilanan.

Amianan Balita Ngayon