GARBAGE SEGREGATION, MAHIGPIT NA IPINAPATUPAD NG GSO

BAGUIO CITY

Mahigpit na ipinapatupad ng General Service Office ang garbage segregation sa bawat barangay, upang mapadali ang paghahakot ng basura sa lungsod ng Baguio. Ayon kay Margie Della, assistant head ng City General Services Office, sa ginanap na City Hall Hour noong Hunyo 4, na sinuspinde ang garbage collection noong Hunyo 2 matapos pansamantalang magsara ang Urdaneta Engineered Sanitary Landfill, ang dating tapunan ng basura ng lungsod, upang bigyang panahon ang pamunuan ng landfill na makasunod sa mga
regulasyon ng lokal na pamahalaan.

Samantala, pansamantala nang nakahanap ang lungsod ng bagong sanitary landfill na tatanggap ng basura mula Baguio. Matatagpuan ito sa Porac, Pampanga, na nasa humigit-kumulang 200 kilometro ang layo mula sa lungsod. Bagama’t accredited ang nasabing landfill, inaasahang mas mataas ang magiging gastos sa pagbiyahe ng basura. Mula sa dating hauling fee na P800 kada tonelada, posibleng tumaas ito sa humigit-kumulang P1,500–P1,600 kada tonelada. Bagaman bahagyang tumaas ang hauling cost, nakabawas naman ang lungsod
sa tipping fee o bayad sa pagtatapon ng basura sa mismong disposal site. Mula P650 kada tonelada sa Urdaneta, P550 na lang ito sa Porac.

Sa gitna ng mga pagbabagong ito, nanawagan ang GSO sa publiko na lalong paigtingin ang waste segregation upang mapababa ang dami ng basurang kailangang itapon. Hinihikayat nilang i-reuse ang mga recyclable materials, at i-compost naman ang mga biodegradable waste kung may kakayahan ang barangay o mga residente. Bilang pangmatagalang solusyon, kasalukuyan na ring isinasagawa ang site
development ng isang Central Materials Recovery Facility na itatayo sa kahabaan ng Marcos Highway. Ang pasilidad na ito ay may layuning mabawasan ang volume na kailangang itapon sa landfill at ito ay inaasahang matapos at maging operational sa taong 2028.

Bukod dito, may mga barangay gaya ng Irisan, Gibraltar, Guisad Central, at Bakakeng Central na may existing MRF na suportado ng grant mula sa Environmental Management Bureau. Plano ng GSO na i-operationalize ang mga ito upang makatulong sa barangay-level waste management at makalikha rin ng kita mula sa recyclables. Ayon kay Della, umaabot sa P200 milyon kada taon ang ginagastos ng lungsod para sa pagtatapon ng basura. Dagdag pa niya, kung sakaling makabawas man lamang ng 20 hanggang 25 porsyento sa gastos, malaking tulong na rin ito dahil maaaring magamit ang natipid para sa iba pang mahahalagang serbisyo para sa publiko. Binigyang-diin din ni Della na hindi na kailangang hintayin ang pagtatapos ng mga pasilidad bago simulan ang tamang pagsasagawa ng segregation. Aniya, mas mainam kung agad na itong isagawa sa bawat tahanan at barangay.

Nickhole Gutierrez/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon