GINANG PATAY SA BANGGAAN NG MOTORSIKLO AT BUS SA KALINGA

TABUK CITY, Kalinga

Patay ang isang ginang,habang grabeng sugatan naman ang kanyang asawa, matapos aksidenteng
mabangga ito ng pampasaherong bus ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa kahabaan ng
national road sa Barangay Lacnog East,Tabuk City,noong Nobyembre 12.

Idineklarang dead on arrival sa hospital ang biktimang si Joy Balwog Alos, 49, dahil sa tinamo nitong head injury, samantalang ang ang asawa nitong si Daniel Alos, 46, mangangaral ng Pentecostal Church, ay kasalukuyang ginagamot pa, habang ang dalawa nilang anak na lulan din sa motorsiklo ay bahagyang nagalusan sa katawan at parehong nasa stable condition.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Tabuk City Police Station, dakong alas 6:40 ng gabi naganap ang aksidente at sila ay mag-responde ay nasa gilid na ng kalsada ang motorsiklo at ang mga biktima ay isinugod na sa hospital, habang ang Victory Liner Sleeper Bus ay nanatili sa puwesto nito.
Napag-alaman na ang mga biktima ay lulan ng motorsiklo na papauwi na sa kanilang bahay.

Ayon sa pahayag ng driver ng bus na si Diosdado Ortiz Valdez, 48, nagbibiyahe sila patungong Cubao, nang tangkain niyang mag-overtake sa motorsiklo, subalit bigla umanong kumaliwa ang motorsiklo, dahilan para hindi agad siya nakapag-preno at nabangga ang motorsiklo na tumilapon ang mga biktima sa kalsada.

Lumitaw pa sa post sa social media na pinaghahampas ng mga rumespondeng mga residente na
nakakita sa insidente ang bus. At natigil lamang ito nang dumating ang mga pulis.
Ang bus ay dinala sa Camp Juan Duyan police headquarters para sa safekeeping habang
isinasagawa ang masusing imbestigasyon,habang ang driver ng bus ay nakakulong sa Tabuk City
PS. Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon