GISING NA BULKAN… TRAHEDYA AND BADYA!

Tatlong bulkan ang nagbabadya ng trahedya sa ating bansa. Bantay-sarado ang ating gobyerno. Pondo angklado na rin. At sa tatlong bulkan (Mayon, Kanlaon at Taal) ang pinaka-nag-aalburuto ay ang Mayon sa Albay. Pero ang nakapagtataka… habang inililikas ang mga residente na nasa danger zone, dumadagsa naman daw ang mga lokal at banyagang turista upang panoorin ang saktong eksena ng isang gising na bulkan. Yan at iba pa ang ating hahaplusing isyu ng Daplis mga pards.

Sundan: Maihahambing sa “nagising na bulkan” ang bagong eksena kamakailan sa ating bansa. Sa di inaasahang kaganapan…dumaong sa ating pier ang isa sa pinakamalaking barko-de-giyera (military vessel) ng China. Natural marami ang nagulat sa pangyayari lalo pa’t wala man lang paabiso. Tuloy, kung anoano na ang espekulasyon ang kumakalat. Di kaya ginawa ng China ito upang ipakita sa ating bansa na may ganyang kalaking barkong-pang-giyera sila na wala sa atin?

O baka naman totoong gusto lang nilang ipakita na kaibigan pa rin natin sila gaya ng sinabi kamakailan ng Pangaulong Bongbong Marcos Jr. Na matatag ang pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas? O di kaya ito ay isang inderektang panliliit sa ating kakayanang magmatigas sa isyu ng West Phil Sea kung saan may teritoryo tayong sinasakop ng Tsina? Maraming k kuro-kuro ang sumulpot. Wala namang opisyal ng barkong ito ang nagsasalita kung ano talaga ang pakay ng kanilang pagdating. Bukas daw sa madla ang barko para pasyalan o busisihin.

Sa personal nating pananaw…kung maganda ang pakay, tanggapin at maging alerto sa susunod na mga kabanata. Tayo’y sumasandal sa mensahe ni Pangulong Bongbong noong araw ng kalayaan na kanyang tinitiyak na “hindi na magiging sunudsunuran muli ang Pilipinas sa ano mang uri ng external force”. Sa isyung ito, magsisilbing Gising Na Bulkan ito para buong bansa na dapat tayo’y maging alerto ano man ang maaring ibunga. Turing ding Gising na bulkan ang problema natin sa
illegal na droga, di ba?

Katunayan, maraming matataas na opisyal ng kapulisan at kakutsaba ang kakasuhan na daw ayon sa napagkasunduan sa imbestigasyon ng mga mambabatas hinggil sa isyu ng bilyong halaga ng illegal na droga na diumano’y may takipan. Pumutok ito at nagsisilbing dagok na naman sa imahe ng PNP sa ating bansa. Ang masakit, sinisikap ng mga umuupong pinuno ng kapulisan na linisin ang kanilang hanay. Ngunit may mga galamay din itong gustong manira sa imaheng ito. Ilang
administrasyon na ang dumaan.

Super-tindi at galing daw ang kanilang ginawang kampanya laban sa illegal na droga. Pero ang mapait, hanggang ngayon, talamak pa rin sa ating bansa. Kailan kaya ito mapupuksa? Ismid nga nila: papano mo mapupuksa kung mismong pamuksa ang nagiging galamay ng kalakarang ito ng mga sindikato? Sa usaping Gising na Bulkan….talagang gising na gising na si bulkang Mayon. Ayon nga sa ulat ng Philvocs…may panganib at nagbabadya ng trahedya ang aktibidades ni Mayon. Kita na nagbubuga na ito ng mga bato at umaagos na ang lava sa dalisdis nito.

Sana ay huwag ng maulit ang nangyari noon kay bulkang Pinatubo. Maraming buhay at ari-arian
ang kanyang tinabunan at hanggang sa ngayon, nakabaon pa lahar ang maraming biktima. Sana,
manahimik muli si Mayon upang mailayo tayo sa ano mang kalamidad. Kalamidad na nga ang ating sinapit dahil sa Covid-19 na hanggang sa ngayon ay narito pa. Huwag na sanang madagdagan ang mga trahedyang ito sa ating munting isla. Sa anu’t-ano man…maging alerto lang tayo. Maraming tulog na mga bulkan sa buong bansa…idalangin nating huwag silang magising.

Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon