Grade 8 nagmaneho ng kotse, apat na sasakyan nabunggo

Sugatan ang dalawang binatilyo matapos sinubukang imaneho ang isang nakaparadang sasakyan at nabunggo ang apat pang nakaparadang sasakyan dakong 7:15 ng gabi noong Agosto 1, 2018 sa Pedro Fuentes Street, Dominican Extension Road, Baguio City.
Lumabas sa imbestigasyon na ang dalawang menor de edad, parehong estudyanteng Grade 8 sa Dominican-Mirador National High School at residente ng Dominican, Baguio City, ay pwersahang binuksan ang Nissan Sentra Sedan na may plakang TCP-369 na ipinarada sa tabi ng kalsada ng driver na si Marx Jericho Tadayca Gentica, 23 anyos, residente ng Pinsao Proper, Baguio City.
Sinubukang pinaandar ng 16 anyos na binatilyo ang sasakyan na umusad nang 50 metro at nabunggo ang apat na sasakyan sa parking area na Toyota Innova, may conduction sticker no. NC-4859 at pag-aari ni Harold Tan Ang; Toyota Innova, may conduction sticker no. VI-3021, pag-aari ni Joseph Allen So; Toyota Fortuner, may conduction sticker no. VC-8995 na ipinarada sa lugar ni Harold Tan Ang; at isang Toyota Hi-lux Pick up, may conduction sticker no. A3-0059 ng driver na si Aries Aguilan Estimado.
Nagtamo naman ng mga galos ang 14 anyos nitong kasama matapos na tumalon ito palabas habang umaandar ang sasakyan.
Kinumpiska ng mga rumespondeng traffic investigators ang dalawang plaka ng sedan at certificate of registration, kasama ang birth certificate ng 16 anyos na nagmaneho nito. Ang dalawang menor de edad ay dinala ng tauhan ng city police office Station 1 sa Baguio General Hospital and Medical Center para sa medical check-up.

Amianan Balita Ngayon