GRILLED BALUT IBINIDA SA BAGUIO CITY

Photo Caption: FIRST IN BAGUIO – Ang Vinceford stall na lumahok sa ginanap na International Food Expo ang unang nagtinda ng Grilled Balut na pumatok sa mga food lovers ng balut sa siyudad ng Baguio.

Photo by Vina Pallar


 

BAGUIO CITY

Kilala ang Balut bilang isa sa mga paboritong street foods ng mga Filipino. Ito ay karaniwang itlog
ng bibe o itik na dumaan sa pertilisasyon kasama ang isang halos buo nang embryo sa loob, ito ay pinapakuluan at kinakain kasabay ng asin at suka. Ang exotic food na ito ay unang nakilala sa
munisipalidad ng Pateros sa Metro Manila. Sa panahon ngayon, ay hindi na papatalo ang mga
local street vendors, dahil sila ay may iba’t ibang pakulo at pamamaraan ng pagluluto upang mas makahikayat pa sila ng mga mamimili.

Katulad nalamang ng viral grilled balut sa social media, umusbong ang interes ng mga Pinoy dahil sa kakaibang twist sa minamahal at paboritong Filipino exotic food. Ang Grilled Balut ay orihinal na naimbento sa bansang Vietnam, na ang nalutong itlog ito ay hinahaluan ng chili oil, asin at paminta saka nila ito iihawin. Ang putaheng ito ay naging tampok sa Pilipinas, dahil kumakalat narin ang mga nagtitinda nito sa bansa.

Naging tampok ito dahil kilala ang balut bilang simpleng putahe lamang ngunit ito ngayon ay nagkaroon ng kakaibang sangkap o kakaibang paraan ng pagluto. Sa ginanap International Food Expo sa Melvin Jones Football ground,Burnham Park, ay ipinakilala at ibinida ng Vinceford stall ang kaunaunahang Grilled Balut sa siyudad ng Baguio. Ang Vinceford ay taga Vigan City,Ilocos Sur,na nakasanayan ng dumadayo sa mga food expo sa iba’t ibang lugar at nang makita nila sa
Tiktok/Facebook na nag-viral ang grilled balut ay isinama na nila ito sa kanilang paninda.

Ayon kay Michael Sapling, katiwala ng Vinceford, sa halagang P39.00 ay nakakaubos sila ng sampung tray ng balut kada araw at kadalasang namimili ay ang mga kabataan, Ayon sa isang mamimili na si Elliana Avila, “Actually po matagal ko na pong hinihintay na magkaroon ng grilled balut dito po sa Baguio City, kasi lagi ko po siyang nakikita sa social media, kaya naengganyo akong
masubukan sana itong matikman kaya buti nalang meron na rin dito”.

Gustung-gusto ng mga Pilipino ang tradisyonal, at mga bagong bagay, kaya ang inihaw na balut ay isang bagong dapat subukan. Bagong panlasang pinoy na tiyak magiging tampok sa lahat ng mga pamilihan sa bansa. Ang International Food Expo ay magtatapos sa Linggo,Abril 16.

Vina Pallar-UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon