LAOAG CITY, ILOCOS NORTE — Nangangamba si Senadora Imee Marcos na malagay sa alanganin ang kalusugan at maging suplay ng pagkain ng mga taga Metro Manila kung hindi agad mareresolba ang gusot sa pantalan ng Maynila habang patuloy na kino-kontrol ng gobyerno ang pagkalat ng COVID-19.
Nananatili kasing nakatengga lang sa Manila International Container Terminal o MICT ang mahigit sa 800 na 20-foot refrigerated container vans o tinatawag na reefers na may lamang mga imported na gamot, pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan.
Ang nasabing mga reefers ay kabilang sa halos 40,000 container vans na hindi pa rin nailalabas at kasalukuyan pa ring nakatambak sa MICT, bunsod ng gusot sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, port operator at shipping lines habang sa kabilang banda naman ang mga importer, broker, forwarders at truckers.
Hinihinalang pinatatagal lang ng mga importer at mga ahente na naka-imbak ang kanilang mga kargamento sa MICT para tumaas ang presyo nito bunsod ng matinding pangangailangan ng publiko, ani Marcos.
Pero giit ng mga broker, pumapalo sa P20,000 ang nalulugi sa kanila kada araw sa bawat container van na nananatiling naka-tengga lang sa pantalan dahil bumagal ang pag-proseso ng kanilang mga dokumento at bayarin bunsod ng pinatutupad na lockdown.
Bukod dito, dagdag delay din sa mga broker ang problema sa computer system ng Bureau of Customs dahil natatagalang iproseso ang kanilang mga nabayarang buwis sa mga kaukulang bangko.
Kaya para mapakalma ang sitwasyon, hinimok ni Senadora Marcos ang Philippine Ports Authority na huwag munang maglabas ng anumang joint memorandum circular na magpapatupad ng mas mahigpit na restriksyon sa pag-iimbak ng kargamento at dagdag na multa sa mga overstaying na kargamento.
“Bayanihan muna tayo, puwede ba? Dahil taumbayan ang napaparusahan sa ganyang bangayan,” giit ni Marcos.
Naniniwala si Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na kung magkakaroon ng pansamantalang suspensyon sa mga import-related na bayarin at multa habang may lockdown ay maiiwasang tumaas ang presyo ng mga imported na gamot at pagkain, dahil hindi na maipapasa sa mga mamimili ang dagdag na bayarin.
Ayon pa kay Marcos, sakaling pansamantalang maalis ang mga bayarin sa pag-iimbak o sa hindi agad masunod na petsa sa pagbaba ng mga kargamento ay mas magpapadali sa mga broker na mailabas agad ang kanilang mga kargamento sa MICT.(30)
April 5, 2020