LAMPAS ng isang buwan, mayroon tayong obligasyon na bigyang liwanag ang direksyon na tatahakin ng ating lungsod para sa susunod na tatlong taon. Opo, tayong madlang pipol na may karapatang bomoto ay pupunta sa ating naitakdang presinto sa Araw ng Eleksyon, upang bomoto ng mga taong sa ating paningin at pagkilatis ay siyang mamumuno hindi lamang sa Baguio kundi pati na rin sa mga gagawa ng batas na mga bagong labindalawang senador. Itinakda ng batas, at dala na rin ng ating Konstitusyon, na sa bawat tatlong taong singkad, ating pipiliin ang mga mamamahala sa ating gobyerno local, at sa pagkakataong ito ay pati ang mga mambabatas na ating idadagdag sa Senado.
Hindi ito madali, kung ating titimbangin ang mga kakayahan n gating iboboto, lalo’t higit ang pamunuan ng ating gobyerno lokal ng lahat ng munisipyo at kalunsuran sa buong bansa. Sa Mayo a-dose ang naitakdang araw ng Pambansa at Panglokal na Halalaan. Ilanbg tulog na lamang, hindi lalampas sa isa’t kalahating buwan, ay muli nating gagamitin ang kapangyarihang hugisin ang mukha at kaluluwa ng ating mga kabayanan sa buong bansa. Kaya naman, ngayong iilang araw lang ang daraan, ay atin ng babalangkasin ang direksyon ng pamamahala ditto sa ating mahal na lungsod.
Ang sabi ng ng mga pantas sa pulitika, ang halalan ang siyang basehan ng pagpataw ng kapangyarihan upang ang isang bayan o sa pangkalahatan ay buong bansa ay ating maisusulong sa landas na tatahakin. Ano nga ba ang gayuma ng darating na eleksyon at halos hindi magkandaugaga ang mga kandidatong alam naman natin ay lampas isang taon na kumakampanya? Ngayon nga ay taong 2025 at binibigyan tayong mga manghahalal ng pagkakataon na balangkasin ang mga susunod na panahon, sa direksyon ng mga pinuong ating
pagkakatiwalaan.
Bigyang pansin ang mga kandidato at kandidatang halos alam naman natin ay buong taon ng pumailanlang ang mga ngalang ngayon ay tila nakabibinging pakinggan. Sabi ng mga Punong Abala okey lang daw. Kasama iyan sa laro ng pulitika. Na kapag ang halalan ay ilang linggo lamang,- — at sa isang lingo pa ang pormal na salpukan para sa mga local na nagnanasang makapaglingkod – ay lalong umiigting ang bangayan, ang siraan, ang pagbalahura sa mga nakagisnang kaugalian kapag eleksyon na. Ito na ang pagkakataon na dapat lang na higpitan pa ang mga patakaran.
Hindi dapat pinalalampas ang paglapastangan sa kalidad ng mamamayan upang pumili ng karapat-dapat. Bigyan ng liksyon ang mga tahasang bumabalahura sa mga panuntunan. Ang pagiging bulag sa mga ganitong paglapastangan sa mga alituntunin ay garapalang
wawaldasin ang pagkakataon na magsilbi. Katulad na lamang ng tahasang pag-alipusta sa karapatan ng iba pang mga kandidatong mayroon ding kakayahan at pananaw sa pupuntahang landasin. Aba ay bakit nga naman, iisang pamilya – mag-asawa pa mandin ang siyang ibinabandera na tanging may alam na hindi alam ng karamihan?
Ilang beses na ba sa kasaysayan ng pulitika ay laging nananaig ang mga pag-uugaling dapat ng iwaksi. Ang sabi nga, ang ating inihahalal ay nasa sa ating mga kamay – kailanman ay hindi sa mga nagnanasa na magsilbi. Tanging karapat-dapat lang ang isusulat sa balota. Ang lantarang pagbandila sa kanilang iisang ngalan ay pagalipusta sa karapatan ng iba na makilahok at maidagdag ang iba pang maaaring mayroong kasintulad na kakayahan, kaalaman, at karakter, na siyang ipinagkakait ng iisang pamilyang tila abot-langit ang pagnanasang sila lamang ang mgay karapatan. At kung mayroon man ayudang ipinamumudmud, tanggapin. Iyan ay galing hindi sa sariling bulsa ng mga kandidatong garapal.
Ipinamumukha lamang na mayroon silang pusong mapagbigay, pero buwis natin iyan na pinagpaguran, pinaglaanan ng hindi-mabilang na mga araw ng walang kapagurang pagtratrabaho. Pawis, luha at dugo ang katumbas ng pera na iyong tinatanggap. Walang utang na
loob ang dapat mong pasalamatan. Kadalasan nga naman, ang mga pangakong napakatamis pakinggan ay lagi na lamang mga katagang niwalang halaga ng maihalal na. Hindi ba’t atin ng dinaanan ang mga karanasan ng siphayo at sigalot? Hindi ba’t ang mga katagang binitiwan ng buong katapatan ay naging bulang sumahimpapawid upang muli at muli ay hugutin sa kaulapaan?
Kailan pa kaya tayo matututo? Kailan pa kaya mangingibabaw ang mithiing hindi na tayo matanso sa pagpili ng kandidatong hindi iiwas sa mga pangakong binitawan. Karanasan. Kakayahan. Katapatan. At higit sa lahat, Karakter. Nasa mga kumakandidato ba ang mga
katangiang magbibigay dangal sa mga posisyon na inaasam-asam. Baguio, nasa mga taga-Baguio at may pagmamahal sa Baguio ang kasagutan kung papayagan natin ang ganyang uri ng pagbalahura.
April 12, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025
April 12, 2025
April 12, 2025