Ang salitang “fake news” ay malawakang ginagamit ng news media, sa pangkalahatang talakayan at social media. Sa mga pampulitikang konteksto, ang pagtawag ng isang bagay na isang “fake news” ay ginagawa upang makagambala o siraan ang mga opisyal at tumulong na
ipagkalat ang maling impormasyon. Sa napakaraming libreng impormasyon sa online, madaling malinlang ng lahat ng mga maling materyales na dumihan ang web. Ang mga mapagkukunan ng awtoridad na dating itinuturing na opisyal ay nilupig na ng mga online platforms na sadyang nilikha upang ibahagi at maikalat ang mababang-kalidad, maling impormasyon.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga uri ng maling impormasyon ay nakategorya sa tatlong paraan: Ang misinformation, na pagkalat ng hindi totoo o napagkamalang impormasyon na hindi kinakailangang nilikha upang saktan ka. Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagkalat ng
impormasyon na hindi tama ginagawa mo itong kapani-paniwala.; Ang fake news, kasinungalingan o gawa-gawang impormasyon/balita na hindi mai-verify sa pamamagitan ng pinagmulan, katotohanan o mga panipi (quotes). Kasama dito ang mga panlilinlang, conspiracy theories, mga pekeng websites, clickbait pages na nagkukunwang bilang mga lehitimong websites, memes, Youtube channels na nagkukunwang official channels, at “zombie claims” ( mga larawan o mga post na minaniobra o na-edit upang magmukhang tunay na patuloy na lumilitaw sa buong social media; at disinformation impormasyon na nilikha upang linlangin, magsinungaling o suportahan ang agenda ng alinman sa isang indibidwal o isang social/politikal na grupo.
Ito ay nakahilig (bias) na impormasyon tulad ng propaganda na ginamit para sa pag-brainwash na nilikha na may layong saktan ang isang tao. Ang misinformation at disinformation ay idinisenyo upang mang-udyok ng isang reaksiyon (emeosyonal na tugon) at upang makakuha ng isang aksiyon (share content). Madaling maikalat ang maling impormasyon nang hindi man lamang iniisip ito kung
makapag-udyok ito ng matinding damdamin sa tao. Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na iniimbestigahan nila ang nasa 20 katao na nagpapakalat ng “fake news” sa iba’t-ibang mga isyu, kasama ang kamakailang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga kasong krimen laban sa sangkatauhan sa harap ng International Criminal Court (ICC).
Nauna dito ay nagsagawa ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng isang pagdinig ukol sa “fake news” at inimbitahan ang ilan sa mga kilalang personalidad na mga vlogger, na kung saan ang ilan sa kanila ay umamin na mga peke at mali ang kanilang mga ginagawang content habang nito lamang ay may inaresto na nagpapakalat ng edited na talumpati ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. upang siraan lamang ang Pangulo. Ayon pa sa NBI ay sinusubaybayan na nila ang pinagmumulan ng mga pondo para sa pagpapakalat ng mga pekeng balita na target ang mga opisyal ng gobyerno at nagpapaigting ng mga tensiyon sa pulitika. May nakikita daw ang NBI na isang karaniwang tema ang lumilitaw sa uri ng disinformation na naikalat, na nagtataas ng mga hinala ng “coordinated efforts”.
Nakipag-ugnayan din ang NBI sa International Criminal Police Organization (Interpol) upang lalo pang tugunan ang pagpapakalat ng mga pekeng balita sa kabila ng hamon ng isyu sa hurisdiksiyon dahil ang mga pangunahing vloggers at content creators ay nakabase sa ibayong-dagat. Isang bagay na ginagawan na raw ng ahensiya ng paraan. Dumadami na ang bilang ng mga nagpapakalat ng mga maling impormasyon at pekeng balita na tila may iisang tema na sinasakyan – ang kaguluhan sa ating pampulitikang kapaligiran na nagpapalito sa mamamayang Pilipino. Nasa peligro na ang ating bansa na dapat hindi nangyayari. Hindi masama ang magpahayag ng saloobin, opinyon at paniniwala dahil sa ating karapatan at kalayaan sa pananalita at kalayaan sa pagpapahayag.
Gayunman may hangganan ito, na kung lumalabis na ito at nagiging pag-uudyok na ito sa sedisyon o libel ay kailangan na itong pigilan ayon sa mga batas na umiiral. Bagama’t masalimuot ang usapin sa “fake news” ay mabuti na rin at naumpisahan na ring
kastiguhin ito. Pero mas mabuti sigurong huwag itutok ang imbestigasyon sa iisang grupo kundi pati na rin ang mga pro-admin vloggers ay masiyasat din upang huwag mapaghinalaan ang hakbang na muling paninikil at huwag masabing gagamiting armas ng gobyerno laban sa tumutuligsa sa kasalukyang administrasyon. Maging patas sana ang pagturing at imbestigasyon, at sa kung saan hahangga ito ay dapat nating antabayanan habang umiiwas tayong paniwalaan agad ang mga maling impormasyon at pekeng balita.
March 30, 2025
April 19, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025