BAGUIO CITY
Sa pagtaas ng temperatura ngayong tag-init, abala ang marami sa pag-iingat laban sa matinding sikat ng araw para makaiwas sa sunburn at heat stroke, na posibleng mangyari sa alagang aso. Paalala ng mga beterinaryo ang doble-ingat sa pagbabantay sa mga alagang aso ngayong tag-init. Ayon sa kanila, 37.5 °C hanggang 39.2 °C ang normal na temperatura ng mga aso, kapag lumagpas pa ito, hindi na ito ligtas at maaaring mauwi sa heat stroke ang kondisyon ng alaga. “First sign kasi ng heat stroke in dogs is excessive panting, tapos reddish yung gums nila and super init ng katawan nila,” paliwanag ni Dr. Wendi Manis.
Ang mga breed na mas madaling kapitan ng heat stroke ngayong tag-init ay ang mga may makapal na balahibo tulad ng Chow Chow at Alaskan Malamute. Inirerekomenda ng mga beterinaryo na bawasan ang balahibo nila o bigyan sila ng tinatawag na “summer cut” upang makatulong sa pag-regulate ng kanilang katawan sa init ng panahon. Mas mataas din ang posibilidad ng heat stroke sa mga asong kabilang sa brachycephalic breeds katulad ng mga bulldog at pug. Ito ay dahil sa kanilang maikling nguso na sanhi ng paghirap sa kanilang paghinga. “Very short yung snout nila and manipis yung trachea nila tapos yung nostrils nila, yung circulation ng air, hindi
masyadong pumapasok sa katawan nila kaya yung breathing nila is sobrang panting,” pahayag pa ni Manis.
Upang maiwasan ang heat stroke sa alaga, payo ng beterinaryo sa mga may alagang aso na huwag ilakad ang kanilang alaga sa kainitan ng tanghali. Dapat din silang may sapat na silungan mula sa araw at palaging may malinis na inuming tubig na madaling maabot. Kung makitaan ng sintomas ng heat stroke ang alagang aso, agad itong bigyan ng paunang lunas. Maaaring punasan ang katawan nito gamit ang basang tuwalya—ngunit siguraduhing hindi malamig o galing sa refrigerator ang tubig. Kapag bahagyang kumalma ang alaga, mas ligtas pa rin na agad itong dalhin sa beterinaryo para sa mas mabisang gamutan. Ngayong panahon ng matinding init, mahalagang hindi lamang ang sarili ang ating alagaan. Mahalaga ring tiyakin ang kaligtasan ng ating mga alagang aso sa pamamagitan ng tamang kaalaman at pag-aalaga. Sa simpleng pag-iingat, maiiwasan ang trahedya at masisiguro nating ligtas at komportable ang ating mga fur babies sa buong
tag-init.
Rizza Hull/ABN
April 12, 2025
April 12, 2025
April 12, 2025
April 12, 2025
April 12, 2025
April 12, 2025