TAYUG, Pangasinan – Nakapagtala ng 23 kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang bayan ng Tayug sa Pangasinan sa loob lamang ng isang araw, base sa kasalukuyang monitoring report ng bayan.
Ayon sa opisyal na pahayag ni Atty. Carlos Trece Mapili, municipal mayor ng bayan ng Tayug, ang kumpirmadong mga kaso ng COVID-19 na naitala ay pawang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) Special Unit na hindi mga residente at hindi dumaan sa nakatalagang regular health protocols na sinusunod ng mga ordinaryong mamamayan na pumapasok sa bayan ng Tayug.
Ani Mapili ang mga pasyente ay nakatalaga sa Tayug Camp Narciso R. Ramos Isolation Facility kung saan na expose sila sa kumpirmadong kaso ng karatig na probinsya. Ayon kay Mapili karamihan sa mga pasyente ay asymptomatic, samantalang lima naman sa mga ito ay mayroong mild symptoms tulad ng ubo, sipon, at pangangati ng lalamunan.
Nakuhanan ng swab test specimen ang mga pasyente noong ika-26 ng Marso 2021 kung saan ang Provincial Health Office (PHO) ay nagsagawa ng mass testing sa Camp Narciso R. Ramos at ang resulta ay lumabas kahapon, ika-30 ng March 2021.
Ang mga pasyente ay mayroong travel history sa labas ng probinsya. Kasalukuyang naka-isolate ang mga pasyente sa Camp Narciso R. Ramos Isolation Facility at mahigpit na minomonitor ng mga health workers at nurses.
Ani Mapili, bilang agarang tugon ng Tayug Task Force COVID-19, isinasagawa ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente lalong-lalo na sa kanyang pamilya. “Pinapayuhan pa rin ang lahat na sundin ang mga paalala at alituntunin upang ating malabanan ang kinakaharap nating pandemya. Maging disiplinado tayo sa lahat ng oras upang ang bilang ng tinatamaan ng COVID-19 ay hindi na madagdagan pa. At sa gitna ng pandemyang ito nawa’y patuloy at sama-sama tayong manalangin na ang mga kababayan nating nakararanas nito ay tuluyan ng gumaling at ang krisis na ito ay ating malampasan,” ani Mapili.
Aniya ang impormasyong ukol sa mga nagpositibo ay ibinabahagi ng lokal na pamahalaan ng Tayug para sa kamalayan ng publiko upang masunod ang wastong pag-iingat at makalap ang buong kooperasyon ng mamamayan upang mapigilan ang karagdagang pagkalat ng COVID-19.
(EMSA-PIA Pang/ABN)
April 4, 2021
May 11, 2025
May 11, 2025
May 11, 2025