Hindi umano taga-Narvacan, COC ni ‘Chavit’ nais ipakansela

Headlines

NARVACAN, ILOCOS SUR – Naghain ng isang petisyon sa Commission on Elections (Comelec) para makansela ang certificate of candidacy ni Chavit Singson ang karibal nito sa pulitika na si Edgardo Zaragosa.

Giit ni Zaragosa, kataka-taka na si Singson ay nakatira sa isang maliit na bahay na may isang parking lot at malapit pa sa isang babuyan.

Aniya, ang kingpin ng Ilocos Sur na si Luis “Chavit” Singson ay residente ng Vigan kaya hindi ito maaaring payagang tumakbo sa pagkamayor sa Narvacan sa 2019 elections.

Si Zaragosa na namumuno sa nangungunang political dynasty sa Narvacan ay naghain ng petisyon sa Comelec upang makansela ang COC ni Singson dahil sa hindi pagsunod ng huli sa one-year residency rule.

Aniya, si Singson ay lumabag sa Section 78 ng Omnibus Election Code dahil sa kanyang “misrepresentation regarding his eligibility to run for mayor of Narvacan, Ilocos Sur, with the intent to deceive and mislead the electorate.”

Si Singson ay naihalal bilang konsehal ng Narvacan noong 2016 at nagdeklara ng residensya sa Barangay Sulvec.

Ngunit, pagdiriin ni Zaragoza, ang totoong tahanan ni Singson ay sa Vigan kung saan ito nagtayo ng napakalaking mansion, zoo, at isang resort complex sa isang 80 ektaryang lupa na ngayon ay mas kilala bilang Baluarte.

“It cannot be believed that respondent, a man known for his penchant for luxury and overindulgence, intends to make his Sulvec property his permanent home,” ani Zaragoza.

Dagdag pa nito na si Singson ay hindi naglalagi sa bahay nito sa Narvacan, na inilarawan ni Zaragoza bilang isang hindi natitirahan na “two-bedroom house” na may isang garahe para sa isang sasakyan lamang.

Aniya, ito ay matatagpuan malapit sa isang piggery na laging inirereklamo ng mga residente dahil sa mabahong amoy.

“Although respondent is an incumbent councilor, he is known to be in Narvacan only during infrequent times that he attends municipal council sessions,” ani Zaragosa.

“Respondent falsely claims that he possesses the residency requirement for elective officials. However, respondent’s actions, activities, and factual circumstances demonstrate that he has not established actual, physical and personal presence in Narvacan. Further, they show respondent’s lack of intent to stay in Narvacan and to abandon his residence and domicile in Vigan, Ilocos Sur,” pahayag pa ni Zaragoza.

Sinabi ni Zaragosa na ayon sa Supreme Court ruling, ang residency ay nangangahulugang “domicile” kung saan tunay na nakatira ang isang tao.

Sa kabila ng pagbili ni Singson ng sariling bahay sa Narvacan, ay hindi ito nagpakita ng anumang pisikal na presensya rito, ani Zaragosa. ABN