ORDER SA BUTAS – Kakaibang gimik ang hatid ng isang tindahan na sa pamamagitan ng butas ng pader ay makaka-order ka na ng inumin, alok ng isang café in the hole sa Barangay Pico, La Trinidad, Benguet.
Photo by Rizza Hull/UB-Intern/ABN
LA TRINIDAD
Patok ngayon sa isang kalye sa Barangay Pico, La Trinidad, ang isang pader na sa unang tingin ay tila butas lang na kailangan pang kumpunihin, pero kung sumilip ka rito, masisilayan mo ang isang kakaibang café na ngayon ay dinarayo at pinag-uusapan. Ito ay isang tinaguriang “hole-in-the-wall” café, na mula sa butas sa pader ay dito ka mag-oorder at lalabas sa nasabing butas ang iyong inorder. Ang bagong pakulong Café in the Hole ay pag-aari ni Samantha Kyzyl Edoc,22, na sinimulang mag-soft opening noong Marso 31.
Si Samantha ay nagtapos ng Nursing sa Easter College Inc. at sa halip na agad pumasok sa propesyon, pinili muna na magtayo ng sariling café bilang dagdag na pagkakakitaan. Hindi na bago kay Samantha ang pagpapatakbo ng negosyo dahil mula pagkabata ay natuto na siya sa pagnenegosyo. Nag-umpisa sa pagbabantay ng tindahan, hanggang sa nasubukan niya rin mag-online selling ng iba’t-ibang produkto habang isinasakay ang pag-aaral, at ngayon ay nakapag tayo na siya ng sarili niyang café.
Mula sa mga pagsubok na ito ay na-diskubre niya ang kanyang passion. “Yun talaga ang pinakagusto din ng heart ko, passion ko, yung mag serve.”, wika ni Samantha. Naging inspirasyon ni Samantha ang mga café na nakikita niya sa social media— kaya’t nabuo ang desisyon niyang magtayo ng sarili. Kabilang na dito ang konsepto ng “hole-in-the-wall” na nakita niya lang din online mula sa isang cafe sa Manila.”Napapanood ko lang siya sa internet, tapos ayun, naisip ko lang na what if ganoong concept din yung gawin ko.”, aniya.
Dahil sa kakaibang konsepto nito, naging atraksyon ito sa kanilang barangay. Patok ito sa mga tao, lalong lalo na sa mga customers.
“Napabili kami dito kasi unique po siya dito sa La Trinidad”, aniya ni Nicole Soo, isang first time customer. Bukod sa disenyo, isa rin sa mga dahilan kung bakit dinarayo ito ay ang abot-kayang presyo ng kanilang mga produkto, na swak na swak para sa mga estudyante. Sa kabila ng mabenta niyang negosyo ngayon, isa pa rin sa mga hamon para kay Samantha ang pagsabay sa dami ng customers. “Kulang po
kami sa employee so sobrang pinipilahan po kami and dadalawa lang po kami o tatatlo, parang kulang pa rin ang tatlo. Kaya yun po yung isang struggle talaga namin kasi natatagalan na po yung pagbigay namin ng order.”, aniya ni Samantha.
Mula sa isang simpleng ideya at butas sa pader,nabuo ang isang negosyong bumihag sa puso ng komunidad. Para kay Samantha, hindi lang ito basta café—ito ay simbolo ng pagtupad sa pangarap at pagpapatunay na kahit sa likod ng isang maliit na butas, pwedeng sumilip ang malaking tagumpay.
Rizza Hull/UB-Intern
April 14, 2025
April 14, 2025
April 14, 2025
April 14, 2025