Kailangan pang umalingawngaw ang galit at pagkondena ng mga taong nagmamahal sa kalikasan at tagapagtanggol ng mga punong kahoy sa Lungsod ng Baguio dahil sa sunod-sunod at walang pakundangang mga pagputol sa mga punong-kahoy lalo na ang mga ipinagmamalaki at simbolo ng Baguio na mga Pine Trees upang kumilos ang mga opisyal na gumawa ng positibong hakbang ukol dito.
Napakaraming taon na ang lumipas na hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang walang habas na pagputol ng mga punong-kahoy kahit pa may mga regulasyon at batas ukol dito. Ngunit tila may kakulangan sa mga ordinansa at batas kaya nagagawa ng mga nagbabalak magputol na makakuha ng cutting permit lalo na ang mga malalaking kompanya at tao na mga developer. Dahil sa may mga puwang at kaluwagan sa mga batas ay natatali ang kamay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tila nagiging inutil dahil walang magawa kundi pagbigyan ang mga kahilingan sa mga permit ng pagpuputol.
Umigting ang mga batikos at galit ng mga tao dahil sa magkakasunod na paglapastangan sa mga punong-kahoy – ang sadyang paglason ng humigit-kumulang 100 punong-kahoy sa Legarda Rd. at pagputol sa nasa 53 punong-kahoy sa South Drive, kapuwa mga pribadong pag-aari na planong tayuan ng mga gusaling pang-komersiyo ng malalaking real estate developers.
Sa nakaraang imbentaryo sa mga punong-kahoy sa lungsod na iniutos ni DENR Secretary Frank Cimatu ay may natitirang 2.5 milyon na mga punong-kahoy sa lungsod kung saan 500,000 dito ay mga Benguet pine trees. Ito ngayon ang inaasam na protektahan ng ipinilang House Bill No. 7090 ni Baguio Representative Mark Go sa Kamara na nagtatakda ng isang 10-taong moratorium o pagtigil sa pagputol ng mga punong-kahoy.
Layon ng house bill ang pagbabawal sa pagputol, pagtanggal, o paghukay sa mga punong-kahoy, maliban sa mga patay na at pinamumugaran (infested) na puno na hindi na kayang buhayin pa o maaaring hawaan ang ibang buhay na puno. Sa panukalang batas ay kailangan din na isaalang-alang sa konstruksiyon ang pagsama at preserbasyon ng mga puno sa mga disenyo.
Sa oras na maipasa ang panukalang batas ay walang anumang permit sa konstruksiyon ang ibibigay kung hindi masunod ang batas na ito. Subalit ang mga punong may banta sa buhya at pag-aari at mga sangang nakakasagaal sa mga linya ng kuryente at utility lines na dinetermina ng mga ahensiya ng gobyerno ay maaaring putulin o tapyasin alinsunod sa mga umiiral na lokal na ordinansa at iba pang batas.
Kung maipasa ang batas ay may pataw na multa sa mga lalabag, pagkabilanggo ng hindi bababa sa dalawang taon ngunit hindi lalagpas sa anim na taon o multa na hindi bababa sa PhP100,000 ngunit hindi lalagpas sa PhP300,000 sa bawat punong-kahoy o pareho, sa diskresyon ng korte.
Tamang-tama at magandang balita ang panukalang batas na ito ni Congressman Go at nawa’y hindi pa huli ang lahat, subalit mas mainam siguro na isabay na rin ang moratorium sa pagtatayo ng malalaking gusali sa lungsod hindi sa isang taon lamang na nauna ng hiniling ni Mayor Benjamin Magalong kundi kahit limang taon upang makahinga naman ang lungsod sa bigat na ng dinadala nito, na ayon sa mga pag-aaral ay narating na o maaaring nalagpasan na ang “carrying capacity” nito.
Nawa’y maipasa ang HB 7090 ng walang pag-aalinlangan at sa pinakamadaling panahon upang maprotektahan ng husto ang mga natitirang puno at mabigyan ng sapat na panahon ang mga bagong tanim upang ganap na maging magulang na puno at gayundin mabigyan ng mas matalim na pangil ang mga ahensiya sa pagpapatupad ng regulasyon at batas ukol sa pagpuputol ng puno.
Kailangan ding magit tapat at walang kikilangan, ipatupad ito ng mahigpit at maparusahan talaga ang mga lumalabag – sa kasaysayan ay wala pang malalaking kompanya o maimpluwensiyang tao ang nakukulong o napaparusahan kahit pa maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanilang mga paglabag.
April 19, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025