“HULING HININGA NA NG REBELDENG KOMUNISTA SA NORTH AND CENTRAL LUZON?”

Naniniwala ang Northern Luzon Command (Nolcom) ng Armed Forces of the Philippines na ilang buwan na lamang ay mabubuwag na ang mga nalalabing pwersa ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA) sa hilaga at gitnang Luzon. Nitong linggong ito, nasusukol na umano ng kasundaluhan ang mga nalalabing 20 rebeldeng kaanib ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) ng CPP-NPA sa nagdaang apat ng labanan sa bulubunduking bahagi ng Barangay Maragat, bayan ng Kabugao sa lalawigan ng
Apayao.

Walang body count ang militar kung ilan ang namatay na mga rebelde sa tuloy-tuloy na labanan sa pagitan ng mga sundalo sa ilalim ng Joint Task Force Tala ng 5th ID ng Philippine Army at pwersang Sentro de Grabidad ng ICRC na pinamumunuan umano ni “Ka Bram”. Napakaraming armas, halong dalawang dosenang pampasabog at personal na mga kagamitan ang nasamsam ng pwersa ng gobyerno mula sa mga rebelde. Ngunit sa tagumpay na ito ng kasundaluan, walang maririnig o maiuulat sa susunod na mga araw reklamo ng
paglabag sa karapatang-pantao ng mga sibilyang naapektuhan sa mga labanan at pati paglabag sa International Humanitarian
Law sa bahagi naman ng mga combatants o nakibahagi sa armadong sagupaan.

Sapagkat sa pag-utos ng commander ng Nolcom, Brig. Gen. Fernyl Buca, na ituloy ang malakasang pagdagok sa mga nalalabi pang kasapi ng rebeldeng grupong ICRC tulad ng ground at air assaults upang tuluyan nang malipol ang grupo ni “Ka Bram”, mananatiling binabantayan ang mga karapatan ng sibilyan, pati combatants, dahil ito’y nakasaad sa batas ng bansa at pandaigdigang mga tratadong
kabahagi ang Pilipinas, lalo na kung buhay na ang nakasalalay. Sa pagnanais ng Nolcom na sa Hunyo ngayong taon ay tuluyang nabuwag na ang ICRC at mapanumbalik ang kapayapaan at magtuloy na ang progreso sa Hilagang Luzon, hindi sana kalimutan ng pwersa
ng gobyerno na nananatiling ang kapakanan ng karaniwang mamamayan sa mga lugar ng labanan ang palaging isinasaalang-alang.

Pagkat kahit malipol na sa Hunyo ngayong taon ang pwersa ni “Ka Bram”, ngunit nag-iwan naman ng mapait na karanasan ang mga
kasundaluhan sa karaniwang mamamayan, tiyak muling uusbong ang rebelyon sa lugar. Walang puwang ang karaniwang palusot na “collateral damage” ng digmaan ang pagyurak sa mga karapatan ng mamamayan at pagkawala ng buhay. Bawat buhay ay mahalaga.

Amianan Balita Ngayon