IBA ANG GULANG SA GULANG!

Sa ating lenguahe, marami ang magkakahawig pero magkakasalungat ang katuturan. Gaya ng INDA at PALAG. Pumapalag ka kahit di mo iniinda. Medyo may tama ito sa nangyayari sa WPS. Sabi nila, dapat tayong pumalag dahil sa pambubully ng China. Pero sabi naman ng iba: bakit…pumapalag na ba tayo? Medyo may talinghaga ang isyu pero mas maganda siguro ang sabi ng mga dating matataas nating mga opisyal na dapat pumalag na tayo bago tayo sakupin ng Tsina. Kasi nga, totoong iginagalang natin sila…pero ginugulangan naman tayo, di ba?

Iba ang GALANG sa GULANG. Kung galing ang katagang gulang sa para sa MAGULANG….palagay ko maraming sasalungat. Sa magulang…kalakip dito ang respeto o paggalang. Kaya lang may mga eksena na ang paggalang sa kanila ay di na narerespeto. Ito ay napapatunayan dahil marami na sa ating mga anak ang nagiging balasubas sa likud ng katotohanang may mga magulang naman na di alam ang kanilang responsibilidad. At kung sa relasyon ng Tsina at Pilipinas natin gagamitin natin gagamitin ang paghahambing sa isyu ng RESPETO, masakit malaman na sila’y ating IGINAGALANG (ayon sa ilang opisyal ng gobyerno), pero tayo naman ay GINIGULANGAN o SINASAMANTALA. Halik ni Hudas o kaya’y traidor na kaibigan.

Matinong kausap pero sa likud ka naman sinasaksak. Yan ang nangyayari sa ngayon dahil sa mga pambubuska sa ating karapatan sa ating mga teritoryo na gusto nilang angkinin. Sapat bang
tanggaapin na lang natin ang kanilang posisyon na KANILA (daw) ang teritoryo kaya tayo binabarikadahan? Sa ating lipunan na tigib ng mga pasanin lalo na sa mga nakaaligid na mga sakit gaya ng leptospirosis, dengue at nariyan pa si Covid-19…laging itinatapik ng DOH na dapat tayong mag-ingat. Malinis na kapaligiran ang isa sa panlaban at wastong kalusugan.

Sa ating monitoring araw-araw sa Lungsod ng Baguio…mas marami na ang walang face mask na nasa labas ng bahay. Kahit pa sa matataong lugal….bihira na ang nakasuot nito. Sabagay…hindi na tayo obligado na magsuot nito. Ngunit sabi ng mga eksperto…huwag sanang isantabi ang facemask para sa ating kaligtasan. May pangyayari na kung saan nakakabiglang malaman na ang isang napa-”jolly” at hyper ang kilos ay bigla na lamang manguluntoy at tuluyang sumakabilang buhay. Kaya sabi nila: gaano ka man kaingat kung andiyan na ang “kalawit” ni Kamatayan, wala ka ring ligtas. So, totoo ang sabi: bawa’t pagsilang ay may guhit ng hangganan.

Maaring hanggang sa sinusulat ang espasyong ito, patuloy pa rin ang nagaganap na WILDFIRE sa Maui Island ng Hawaii. Ayon sa ulat na nakuha ng DFA, meron ng 99 ang natagpuang patay bagama’t wala pang kumpirmasyon kung may mga Pilipino dito. Ang nakakabahala ay ito: sa isla ay
maraming Pilipino ang nakatira at iba pang dayuhan . Idalangin natin na sana ay walang Pinoy na biktima o “casualty”. Sa huling ulat ng DFA, may limampung Pinoy na mga guro ang nasagip.

Ang mga naturang guro ay may visa sa ilalim ng Exchange Visitor Program sa Amerika na puwede silang manatili roon hanggang tatlong taon. Nakahanda naman ang ating Pamahalaan na sila’y ilikas kung kinakailangan. Ayon sa census ng Amerika…nasa 388,000 ang mga Filipino ang nasa Hawaii. May payo din ang DFA sa mga may nawawalang kamag-anak (sa Maui Island) na magsumite ng DNA sample para masuri kung ang mga ito ang nasawi sa wildfire. Idalangin natin na huwag na sanang lumala pa ang trahedyang ito. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon