“ILLEGAL RECRUITMENT SYNDICATE, MALAYA PANG NAKAPANLOLOKO”

Marahil marami pa ang binibiktima at mabibiktima nila Mirasol Bahian Magabo, Gregoria Ecle Santos, Cherie Saga at kinakasama nitong si Laureano Norte, hindi lang sa Northern Luzon kundi buong Pilipinas kung papabayaan ng otoridad na makapang-scam sa pamamagitan ng pekeng
overseas recruitment scheme. Malayang nakapangloloko ang sindikato ng mga umaasang makapagtrabaho sa ibang bayan sa kabila ng kanilang Warrant of Arrest na ibinaba ng Regional
Trial Court branch 28 sa Tagudin, Ilocos Sur mula pa noong Enero ngayong taon.

Napakadaling manggantso ang sindikato gamit ang social media post ng kunwaring pangangailangang manggagawa sa South Korea at China at pagdeposito lamang ng mga naloko sa
Gcash sa mga kasapi ng sindikato. Limampung libo ang hinihingi ng sindikato bilang paunang reservation mula sa mga aplikanteng nurse na pinangakuhan ng P237 libong buwanang sahod.
Dalawampung libo naman mula sa mga aplikanteng construction workers na sasahod ng P93K.

Sa kagustuhang makalipad agad at makapag-umpisa nang makapagtrabaho, dali-daling nagbibigay naman sa pamamagitan ng Gcash ang mga nabibiktimang sa kalauna’y mapapaiyak na lamang dahil pineke sila ng sindikato. Mula sa Apayao, 36 ang biniktima ng sindikato, bukod pa sa Isabela at Ilocos Sur. Hindi birong halaga rin ang naitakbo ng sindikato mula sa mga biktimang nangutang
lamang at umasang makapagabroad upang may maipakain sa kani-kanilang pamilya.

Mahalagang mahuli, maisakdal at mapanagot sila Mabago, Santos, Saga at Norte upang mabigyan din ng hustisya ang napakarami pang mga biniktima ng kanilang sindikato. Ang pagbuwag at
pagpaparusa sa sindikato na patuloy na nakapangbibiktima ay malaking hamon sa mga tagapagpatupad ng batas upang mapanumbalik ang nawawala nang tiwala sa gulong ng hustisya sa ating lipunan.

FALSE FLAG OPERATION

Amianan Balita Ngayon