ILOCOS NORTE BINUKSAN ANG UNANG ELECTRIC VEHICLE CHARGING STATION HUB

PAGUDPUD, Ilocos Norte

Ang Ilocos Norte ay naghahanda tungo sa isang sustainable mobility revolution sa paglulunsad at energization ng unang electric vehicle (EV) charging station sa Agua Grande Mini Hydro Plant sa Barangay Pancian dito. Sa kaniyang maikling talumpati sa simpleng programa
na dinaluhan ng mga kinatawan ng ACMobility ng Ayala Corporation at ng Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC), pinuri ni Governor Matthew Joseph Manotoc ang pinag-isang pangako kapwa ng mga pampubliko at pribadong stakeholder sa inobasyon, pagpapanatili at pinahusay na kalidad ng buhay para sa mga Pilipino. “Ito ay isang karapat-dapat at marangal na pagtutulungan. Kami sa gobyerno ay dapat maging handa para sa mga bagong sasakyan na maka-kalikasan,” ani Manotoc habang ipinahayag niya ang pag-asa na ang charging station ay aakit ng mas maraming turista na may EV na bumisita sa Ilocos Norte.

Sinabi ni INEC acting general manager Cipriano Martinez III na ang establisimiyento ng EV charging station ay sumusuporta sa green energy program ng panlalawigang gobyerno. Nakipagtulungan ang INEC sa ACMobility na magkaroon ng isang 120- kilowatt EV charger na maaaring mag-charge ng dalawang sasakyan ng sabay para sa tagal na 45 minuto lamang. “Nagbigay ang INEC ng lugar at transformer na kailangan at ACMobility ang nag-set up ng mabilis na pagcharge na may direktang koneksiyon sa grid,” ani Martinez. Upang malubos ang paggamit sa charging hub, sinabi ni Yvonne Palomar-Castro, Regulatory, Policy and Government Affairs officer ng ACMobility na nakipagtulungan sila sa Evro upang maging simple at madali ang charging.

Ang Evro ay isang e-mobility service provider na tumutulong sa isang gumagamit na makahanap ng malapit na mga charging station, nag-didisplay ng charger availability at compatibility, at pwede ang cashless payment. Sinabi ni Castro na ang Pagudpud EV charging hub ay isang mahalagang ugnay sa EV spine habang patuloy na pinapagulong nila ang mas marami pang EV charging hub sa buong bansa. Ang pinakamalapit na EV charging hub sa Pagudpud ay nasa La Union.

(LA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon