Ilocos Norte, ipinagbawal ang alak sa panahon ng ‘Ompong’

LUNGSOD NG LAOAG – Nag-utos ng liquor ban si Governor Imee Marcos noong Setyembre 12, bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Typhoon Ompong sa probinsiya.
Sa Executive Order No. 439-2018, ipinagbawal ng gobernador ang pagbebenta, pagbibigay, paghahandog, pagbili, konsumo, at pag-serve ng nakalalasing na inumin sa probinsiya.
“Kung maaari, huwag munang bumili o magbenta ng anumang alcohol o liquor sa ating mga establisyimento, including restaurants, cafés, at iba pa until the typhoon is over,” ani Marcos.
Sa karagdagan, inulit ng gobernador na ang pagbabawal ay tatagal hanggang ang probinsiya ay makarekober mula sa Ompong.
Ang Section 2 ng panukala ay nagsasaad na sinumang mahuling nakainom ay maaaring hulihin hanggang mawala ang kalasingan.
Kaugnay ng naturang liquor ban ay iginiit ni Marcos ang pangangailangan upang mapagaan ang epekto ng bagyo sa pamamagitan ng pagbabawas sa mga posibleng masamang maidulot ng pag-inom ng mga nakalalasing na inumin.
Pinayuhan niya ang publiko na magpokus sa iba pang disaster prevention measures dahil inaasahang magdadala ng matinding pinsala sa buhay at ari-arian si Ompong.
Ang ibang precautionary measures na isinasagawa ng provincial government ay ang pagsuspinde ng mga klase sa lahat ng lebel at trabaho sa mga pribado at publiko noong Setyembre 13 at 14.
Si Ompong ay naka-categorize bilang Super Typhoon ng US Joint Typhoon Warning Center (JTWC) at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility sa Setyembre 17. M.J.T.A.BLANCO, PIA-Ilocos Norte

Amianan Balita Ngayon