Imbestigasyon sa pagkakasangkot ng mga tiwaling pulis, militar sa LU gun-for-hire group itinutulak

Metro BLISTT

LUNGSOD NG BAGUIO – Umaapila si La Union second district congresswoman Sandra Eriguel kay Pangulong Rodrigo Duterte na iutos ang isang imbestigasyon sa pagkakasangkot ng mga tiwaling pulis at militar sa isang gun-for-hire group na diumano’y “kinausap” ng ilang politiko na sinasabing manggulo o pinakamalala ay patayin ang mga karibal sa pulitika bago ang halalan sa 2022.

Ginawa ni Eriguel ang panawagan kasunod ng isang intelligence report na isang assassination squad ang muling nagtipon-tipon sa La Union para sa isang pagplano na patayin siya at dalawa pang municipal mayor.

Ang nasabing intelligence report na planong pagpatay ay natuklasan ng La Union police matapos ang pagkakaaresto sa apat na miyembro ng “Wilson Magpali” assassination squad noong Hunyo 23, 2021 sa bayan ng San Juan.

Ang gun-for-hire group ay napaulat na binubuo karamihan ng mga tiwaling pulis at militar at pinamumunuan ni Magpali, isang natanggal na police Colonel.

Nauna nang pinasalamatan ni Rep. Eriguel ang adminstrasyong Duterte at ang police sa pamumuno ni Gem. Guillermo Eleazar para sa mabilis nap ag-aresto sa ilang miyembro ng gun-forhire group bilang bahagi ng pagpupursige na linisin ang kanilang mga hanay ng mga tiwali.

“Sana po ay matuldukan na itong mga karahasan na hindi po kanais-nais. Nakakatakot po ngayon, na parang bagong Abra po itong La Union. Sana po ay hindi mangyari ang ganon. Nananawagan po kami kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kay PNP Chief Gen. Eleazar at sa NBI (National Bureau of Investigation) para gumawa ng parallel investigation po dito,” masidhing hiling ni Rep. Eriguel.

Si Eriguel ay biyuda ni dating Congressman Franny Eriguel na pinatay boong 2018. Ang dalawa pa na umano’y puntirya ng Magpali group ay mga kaalyado ng mga Eriguel, ayon sa intelligence report.

Sinabi niya na sa kabila ng pagkakaresto sa ilang miyembro ng grupo, ang umano’y lider ng gang na si Wilson Magpali na nauna nang kinilala ng police bilang “Wilson” ay nananatiling pinaghahanap, na ikinababahala ni Eriguel at kaniyang kaalyado at iba’t-ibang sektor sa La Union ang posibleng karahasan na babalot sa probinsiya sa susunod na ilang araw.

“Kaya po nakakabahala ito. Baka maulit na naman yung nangyari po nung 2018,” aniya, na tumutukoy sa pagpatay sa kaniyang asawa at kay Balaoan Vice Mayor Alfred Concepcion noong Nobyembre 14 at Sudipen Mayor Alexander Buquing noong Oktubre 1 ng taong iyon.

“Ang nakakabahala po dito, meron po silang mga kasabwat na active PNP. Kaya po nanawagan po ako kay General Eleazar na sana magkaroon ng thorough investigation at saka wala sanang white wash at ma identify narin sana lahat ng mga sangkot po dito,” pagsusumamo ng mambabatas.

(AAD/PMCJr.-ABN)