LAOAG CITY, ILOCOS NORTE— SUPORTADO ni Senator Imee Marcos ang ipatatawag ni Senator Bong Go na imbestigasyon sa Senado dahil na rin sa kabi-kabilang nangyayaring anomalya at kapalpakan sa SEA Games na pinamumunuan nina Phisgoc Chairman Alan Peter Cayetano at Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez.
Si Bong Go na miyembro ng blue ribbon committee ay nagalit at sinabing hindi kailangan ngayon ng paumanhin sa nangyayaring kapalpakan sa SEA Games.
“Nakakalungkot dahil mismong si Alan ang chairman ng Phisgoc ay umamin sa mga palpak na pangyayari sa pagdating pa lamang sa Pilipinas ng mga atleta mula sa ibang bansa para lumahok sa Sea Games,” pahayag ni Marcos.
Sunod-sunod ang reklamo ng mga atleta mula sa Cambodia, Myanmar, Timor-Leste, Thailand gayundin ang women’s football team ng Pilipinas.
Kabilang sa pumalpak ay ang pagsundo sa airport, hotel accommodation, pagkain ng mga atleta at di pa natatapos na ilang venue ng mga palaro gayung ilang araw na lang ay magsisimula na ang grand opening ng regional sports event sa November 30.
Nagsilabasan na rin ang mga reklamo ng palakasan sa iba’t-ibang national sports association tulad ng sa karate at skateboarding, mula mismo sa mga atleta na hindi isinali sa listahan ng mga magsisilahok sa SEA Games kahit pa mataas ang ranking nila at nakakamit na ng mga medalya.
Ayon kay Marcos, tama ang gagawing hakbang ni Go dahil dito maipakikita na walang kinikilangan at walang sasantuhin kahit kakampi pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ay mananagot sa mga kapalpakan sa SEA Games.
“Kung talagang itutuloy ni Go, at sana matuloy nga ang gagawin niyang imbestigasyon, maipapakita niya sa taongbayan ang kanyang paggiging parehas na kahit kakampi ni Digong ay kanyang babanggain,” pagdidiin ni Marcos.
Binigyang diin pa ni Marcos na hindi ngayon ang panahon ng sisihan pero dapat ay may managot dahil sisingilin ng taongbayan ang malaking ginastos sa pagdaraos ng SEA Games.