Dapat maglatag ang pamahalaan ng ibat-ibang oportunidad na pagkakakitaan ng Overseas Filipino Workers (OFW), para hindi malustay lang ang kanilang inipon at inutang na pera sa gobyerno sa mga bogus o pekeng investment.
Binigyang diin ni Senador Imee Marcos, Chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na kulang ang mga job opportunity sa mga website ng gobyerno, sa gitna ng patuloy na pag-uwi ng mga OFW sa kani kanilang probinsya dahil sa Covid-19 pandemic.
“Para maisalba ang mga OFWs mula sa mga investment scam, kailangang may irerekomenda ang pamahalaan ng ibat-ibang oportunidad na pwede nilang pagkakitaan. Nagsiuwi sila sa malalayong mga probinsya na kanilang iniwanan dahil unang-una kaunti lang ang kanilang pwedeng pasukang trabaho o pagkakakitaan,” ayon kay Marcos.
Hinimok naman ni Marcos ang gobyerno na gumawa ng data base kung saan makapipili ang mga OFW ng mga posibleng business partner o mga kapwa investor sa mga local micro, small and medium enterprises (MSMEs) na may namantining magandang track record at handang palawakin ang kanilang negosyo.
“Nabibiktima ang OFWs ng mga scammer o mga mangagantso dahil sa kawalan nila ng kaalamang pampinansyal. Ang pinakamalungkot na katotohanan ay kadalasang mga pinagkakatiwalaan pa nilang mga kamag-anak, kaibigan at iba pa ang nanloloko sa kanila at nakikinabang sa kanilang mga pinaghirapang pera,” ani Marcos. “Hindi lahat ng OFWs ay handa para magtayo ng kanilang mga negosyo at di rin handang maging biglaang negosyante,” dagdag pa ni Marcos.
“Mas magiging kapaki-pakinabang ang mga programang pautang ng gobyerno kung magiging mag-partner sa negosyo ang mga OFW at mga akreditadong MSMEs. Sa tandem nila, kapwa may mas malaking tsansang kumita at maka-rekober pinansyal mula sa epekto ng pandemya ng COVID-19,” dagdag ni Marcos.
Bunsod ng pangamba ng kagutuman dahil sa pandemya, Ibinida ni Marcos ang “malaking oportunidad sa agrikultura” kung saan karamihan ng mga OFW na galing sa mga liblib na probinsya ay sanay sa pagsasaka at pagtatanim.
“Dapat gawing mas maingat, maayos at may sistema ang ating transition at repatriation. Andaming istorya ng mga masisipag nating OFW na nalustay lang ang mga pinaghirapang pera sa loob ng maraming taon dahil napunta sa mga maling investment,” ani Marcos.
Ipinanukala rin ni Marcos na doblehin ang kasalukuyang credit assistance na ibinibigay sa mga OFW bago pa man sila umalis para magtrabaho sa ibang bansa, mula P50,000 ay gawing P100,000. Makatutulong ng malaki ang “pre-departure loan” sa pamilya ng ating mga OFW sa kanilang pang-araw araw na gastusin at mga emergency, habang naghihintay ng padala mula sa katas ng hanapbuhay ng kanilang mahal sa buhay, ani Marcos.
August 29, 2020
May 11, 2025
May 11, 2025
May 11, 2025