INGAT PARA SA ANGAT

PATULOY ang pananalasa ni covid, na ngayon ay ibang ngalan naman ang ginagamit, XBB ang coded name, na isang nabuong anak nya. Patuloy din ang pagpapaalala ng ating mga eksperto, maging mga Ama ng Bayan at Lungsod, na dapat lamang doble-triple ang pagiingat, sa loob at labas man ng tahanan. Oo nga at panibagong peligro ang umiiral dala ni covid. Hindi sya natitinag. Kung akala natin, nitong mga nakaraang buwan, ay nawawalan na sya ng buhay, hindi pa pala. Kung akala natin, patungo na si covid sa huling hantungan, hindi pa pala. Eto sya, may bagong lakas na muling humahagupit, may bagong enerhiya na humahawa.

Akalain mo, araw-araw ay ginugulantangtayo ng mga pahayag na lampas 12,000 ang mga bagong kaso sa loob lamang ng isang araw. Kumpara sa mga nagdaang linggo, mataas na bahagdan ang
nangyayari. Hindi lamang nagpapataas ng kilay. Hindi lamang nagpapakulo ng tiyan. Kahit pag-iisip, ginugulo, pati ang pusong matagal ng kampante, ginagambala. Huwag nating ipagwalang
bahala si covid. Isa syang mailap nab anta sa ating buhay. Nito ngang nakaraang mga araw, ang mga kaibigan natin na ilang taon ding hindi tinamaan ni covid, binigla tayo ng bagong kaalaman na nahawa na.

Mga taong naiwasang mahawa sa loob ng higit dalawang taon, ngayon ay naisama bigla sa mga listahan ng hawaan. Patunay ito na patindi ng patindi ang bagong banta ng pandemyang lampas dalawang taon na nanalasa sa buong mundo. Walang araw na nagdaan na hindi pinalampas ang ating mga eksperto sa kalusugan sa paglalahad ng ating pambansang kundisyon. Para bagang, kinokundisyon tayo na ang huling hininga ni Covid ay wala pa sa linya. Isang kalaban sya na hindi masupilsupil, hindi matinag-tinag. Walang kakurap-kurap kung umalma. Bakit nga ba ganoon ang
naging sitwasyon?

Matatandaang mismo ang World Health Organization ang siyang naglahad na hindi na global health emergency si Covid sa isang pamamaraan na tila urung-sulong ang dating. Ang kinalabasan,
parang urong-sulong ang mga pagpapaliwanag ng umaalsang katotohanan. Eh kasi naman, sasabihing wala ng pandemyang katatakutan sa buong mundo, pero patuloy pa rin ang babala. Mag-ingat ng doble-triple. Huwag ilagay sa alanganin ang buhay. Oo nga naman, inalis na ang global health emergency na dulot ni covid, eh bakit may panawagan na pagibayuhin pa ang pag-iingat. Kung wala na, bakit dito sa Pinas, binabalaan naman tayo ng walang humpay na pagtaas ng mga bagong kaso. Mga kasong sumasambulat sa ating kamalayan.

Walang biro, hindi dapat biroin ang mga lomolobong hawaan. Sa loob lamang ng isang araw, biglang tumalon ng isang libong metro ang bilang ng mga nahawahan. Balikan at muli nating
unawain natin ang mga pangyayari. Ang pinakahuling bersyon ni covid ay may ngalan na XBB, isang mutated viral form na mula pa noong isang buwan ay nagsimulang manalasa sa iba’t ibang lugar sa Asya kung saan kabilang ang ating mahal na ‘Pinas. Tinamaan ang India, ang kalapit na mga bansa nito, at ngayon nga ay nakarating na sa atin. Ang sabi, si super-variant XBB ay mula sa Omicron na isang bagong panganib na hinaharap ng sangkatauhan. Kasama syempre ang Pinoy at
Pinay na tila dedma at walang pagkabahala na binabalikat ang sangkatutak na problema ng buhay.

Noon pa man, pinayuhan na tayo na maging mapagmasid, at sundin ang mga pangunahing
panuntunan para na rin sa ating kalusugan. Ayon sa huling paglalahad, nasa higit 30% na ang inakyat ng positivity rate, isang kagulat-gulat na pagbulusok sa loob lamang ng ilang araw. Dati ay nasa mga 500 lamang ang average case count sa buong bansa. Biglaan, naging 1,500 plus na.
Ngayon nga, binubulaga na tayo ng higit sa 12,000 na mga bagong kaso sa buong bansa. Nitong nakalipas na ilang araw na nga, palaging pangunahing balita pang kalusugan ang sumasambulat sa
atin. Walang humpay ang mga babala dahil nga patuloy tayong kakaba-kaba. Dumadagundong ang pangamba na bukas makalawa, baka ilang malalapit na tao sa ating paligid ang bigla na lamang na tatamaan ni covid.

Atin ng tanggapin na kakaiba si XBB, higit na mabilis na humawa, at malamang – dahil sa lomolobong mga bagong kaso– dapat pangilagan tulad ng ating pagkatakot sa mga naunang mga anak ni Covid, tulad ng Delta na syang pinakamatindi sa mga nanalasa sa atin. Kaya naman, dito sa
Baguio, buong giting ang galing ang Punong Abala, si Mayor Benjie, upang mapanatili ang
kaayusan at walang pangambang pagharap sa bagong banta. Kanyang ibinalik ang mandato ng face mask sa mga indoor setting, sa mga matataong lugar, sa mga pagdiriwang na syang
pagmumulan ng hawaan. Patuloy ang kanyang panawagan na maging mapanuri at mapagmasid.

Sabi nga nya, tapangan natin ang kalooban na tanggaping matindi ang laban ke covid. Iisa lamang ang kasagutan: Laban pa, ibuhos natin ang atensyon na maging protektado, maging ligtas sa
anumang pagkakataon. Anya, pag-ibayuhin ang pag-iingat, lalo na ang mga matatanda at mga indibidwal na may maselang karamdaman, na itinatayang syang mga unang tatamaan ng panibagong pagkakahawa. Ang bagong banta ay nandyan, naghahanap ng mapupuksa, mahahawahan. Huwag na huwag maging kampante. Kakabakaba ka ba? Dapat lang, dahil seryosong usapan ang kalusugan, ang kaligtasan.

Hindi lamang ng sariling katawan kundi kahit mga mahal sa buhay. Dapat lang, habang buhay, may buhay at hanap-buhay. Hugas-kamay, Wastong distansya sa kapwa. Muling pag-susuoot ng face mask sa mga matataong lugar, lalo na sa mga indoor setting — mga pampublikong sasakyan, mga pinapasyalang shopping center at mall. Ang mga paraang ito ay mga pansariling kaligtasan. At kaligtasan ng mga mahal sa buhay. Kasama na ang mga kaibigang ngayon ay nasa listahan na. IngatAngatTayoBaguio, dyan tayo may progreso!

Amianan Balita Ngayon