Inspection sa treasure hunting site, iniutos ni Domogan

Inutusan ni Mayor Mauricio Domogan sina City Engineer Edgar Victorio Olpindo, Buildings and Architecture office head Nazita Banez at mga kinatawan mula sa Department of Public Works and Highways upang suriin ang treasure-hunting activity sa Baguio Convention Center na isinagawa ni Eliseo Cabusao Jr. kamakailan.
Mayroong permit si Cabusao mula sa national government sa pamamagitan ng National Museum at inaprubahan ng local legislature upang magsagawa ng treasure hunt sa local landmark na kasalukuyang sumasailalim sa buong-taon na rehabilitasyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Domogan na ang kaligtasan at katatagan ng istraktura ng Convention Center ay mahalaga sa lahat at kakatigan sa oras na ang aktibidad ng treasure hunting ang makikitang makasisira sa istraktura ng gusali.
Sinabi ng mayor na kung gayon, kailangang magpakita ni Cabusao ng solusyon na harapin ang problema upang siguruhin ang katatagan ng istraktura ng gusali.
Isiniwalat niya na pinatigil pansamantala ng CBAO ang exploration ng mga treasure hunter sa lugar.
Sinabi pa ng mayor sa naunang pulong na inihayag ni Cabusao ang pagpayag na agad ihinto ang aktibidad ng treasure hunting kung siya’y sasabihan.
Ang isa pang konsiderasyon, ay ang pag-utos ng mayor sa inspection team upang alamin kung ang aktibidad ay magiging sanhi ng pagkaantala sa time-table ng rehabilitasyon ng Convention Center na dapat ay mahigpit na susundin.
Aniya, handang magbigay ng 35 porsiyento ang treasure hunter sa lungsod, at 30 porsiyento sa National Government kapag natagpuan ang treasure sa lugar.
Naniniwala si Cabusao na mayroong mga nakabaon sa naturang lugar na gold bars na bahagi ng naiwan ng mga sundalong Hapon noong World War II tulad ng sinabi ng isang sundalong Japanese sa kaniya. G. KEITH / ABN

Amianan Balita Ngayon