“INUTIL NA ANG BOC AT DA KONTRA VEGETABLE SMUGGLING?”

Inutil na ang Bureau of Customs at Department of Agriculture kontra vegetable smuggling. Tila hindi na nagbago ang mga taga BOC sa nakagawian nilang pamamaraang “tara system” kung saan “basta may padulas, pinapalusot”. Gayun din ang DA na itinuturong ang BOC ang may sala sa talamak na smuggling sa bansa.

Mas mainam nang sa pamamagitan ng mga multiagency task forces sa national, maging sa provincial levels, umaksyon ang pamahalaan upang makita mismo ang suliranin sa mga pamilihan
o merkado. Magkumahog sana ang pamahalaang itayo muli ang national task force at provincial task forces upang maglibot sa mga palengkeng binabagsakan ng mga smuggled na gulay upang
sitahin, usisahin at panagutin pati mga nagbebenta na rin ng smuggled na gulay.

Tiyak sa isang linggong simultaneous operations kontra smuggled vegetables sa mga pamilihan ay mamimilipit ang mga smugglers kasama ang mga kasabwat nilang taga Customs na nagpapakasasa sa iligal nilang gawain. Ngunit ang pamimilipit na sasapitin ng mga smugglers at mga kasabwat nila sa BOC at DA ay hindi kailanman maka katumbas ng pasakit na matagal nang nararanasan ng libo-libong mga magsasaka ng gulay sa bansa, lalo na sa Benguet.

Sa puhunang pawis at dugo ng mga magsasakang gulay ay napipilitan na ngang ipamigay ang mga produkto o dili kaya’y hayaan na lang mabulok sa mga sakahan, dahil sa lugi nila sa harap ng pagdagsa ng smuggled vegetables. Marahil huling hirit na ng mga magsasaka ang hiling na pagbangon muli ng antismuggling task forces sa national at provincial levels, bago mismong ang pamamahala ni PBBM na ang ituring na ring inutil!

UNREASONABLE DEADLINE

Amianan Balita Ngayon