“ISALBA ANG SIERRA MADRE”

Sa taas ng 6,283 feet at habang 540 kilometers, nagsisilbing pangunahing proteksyon ng buong Luzon island ang Sierra Madre mountain range kontra sa pananalasa ng pabagsik na pabagsik na mga bagyong nagmumula sa silangang bahagi ng bansa. Hango sa salitang Kastilang Sierra Madre (mother of mountains) o bilang “Ina”,
tinatagurian itong “Gulugod ng Luzon” dahil bumabagtas ito sa 10 probinsya, mula Cagayan ng Hilangang Luzon hanggang Quezon sa Timog Katagalugan.

Tahanan ang Sierra Madre ng halos 40 porsyento ng forest cover ng Pilipinas at ng mayamang biodiversity na 3,500
plant species, 58 porsyento dito ay endemic o katutubo. Nagsisilbi din itong mahalagang “carbon sink” na
sumasaklaw ng mahigit 1.4 milyong ektarya bilang sumisipsip sa carbon dioxide mula sa kalawakan na nakakatulong upang matimpla ang temperatura at sistema ng panahon. Napatunayan nitong bagsik ni “Kristine” ang kahalagahan ng Sierra Madre.

Narinig ang pagsusumamo ng karamihan, kasama ang mga opisyal ng pamahalaan, na dapat alagaan at isalba ang
Sierra Madre. Ngunit walang kabuluhan ang mga pagsusumamong pagpapahalaga sa Sierra Madre kung mananatiling bulag ang mga mata at tikom ang mga bibig sa mga banta ng pagkasira sa “Gulugod ng Luzon” gaya ng mga proyektong Kaliwa Dam sa Rizal-Quezon boundary, Ahunan Dam sa Laguna, at ng Pacific Coast Cities Project
(PCCP).

Tinatayang apektado ang 80,000 ektarya ng Sierra Madre sa Dingalan, Aurora at General Nakar, Quezon sa planong
industrial at economic zones, educational centers at tourism areas, bukod pa sa masamang epekto sa kabuhayan ng mga katutubong Dumagat sa lugar. Malaking banta sa papaliit nang flora at fauna ng Siera Madre ang pagtatayo ng
Kaliwa Dam dahil mismo ang Environmental Impact Statement ng proponent na Metropolitan Waterworks and
Sewerage System, 67 endangered species ang nasa lugar.

Samantalang ang 1400- megawatt Ahunan Hydropower Project, na babagtas sa 300 ektarya ay pinangangambahang
magpapalala sa pagbaha tuwing tag-bagyo, bukod pa sa sadyang panga-agaw sa lupang ninuno ng mga katutubong
Dumagat. Kung nais nating isalba ang Siera Madre, buksan ang ating mga mata at bibig, tumindig at kumilos kontra sa mga banta sa “Gulugod ng Luzon”.

Amianan Balita Ngayon