ISANG SENTIMONG ALAALA:NEW BAGUIO THEATER, GUNITANG HINDI NAWAWALA SA BAGUIO

Ang New Baguio Theater noong 1950’s sa may T. Alonzo, Baguio City


BAGUIO CITY

Naging usap-usapan sa social media na noong dekada 1950, ang New Baguio Theater sa T. Alonzo Street ay naging pangunahing pook ng libangan para sa mga tao sa lumalaking lungsod ng Baguio. Sa presyong limampung centavos para sa mga matatanda at tatlumpung centavos naman para sa mga bata, naging abot kaya para sa lahat. Dito, pinanood ang mga pelikulang Ingles at Tagalog, na nagbigay saya at pagkakaisa sa komunidad. Iba ang New Baguio Theater kumpara sa mga kalapit na sinehan gaya ng Plaza Theater at Cinestar. Kilala ang lugar na ito bilang isang single-screen cinema na may natatanging dating. Maraming kabataan noon ang nagbahagi ng kanilang mga karanasan dito, lalo na sa mga pelikulang may konting “adult” na tema na nagbibigay kilig at usap-usapan sa mga manonood.

Noong dekada singkwenta, ang mga sinehan ay hindi lamang isang karaniwang pasyalan para manood. Ito rin ay naging sentro ng pagtitipon para sa mga kaibigan at pamilya. Maraming tao ang nagkuwento tungkol sa kanilang mga alaala kung paano sila nagsasaya sa loob nito, na tila isang tahanan ng kultura at pagkakaibigan sa gitna ng malamig na klima ng Baguio. Sa paglipas ng panahon, unti-unting naisara ang New Baguio Theater. Isa sa mga dahilan nito ay ang lindol na yumanig sa Luzon noong 1990, kasabay ng paglaki ng mga mall na nagtatampok ng makabagong multiplex cinemas. Ang tradisyonal na sinehan ay napalitan ng mga ukay-ukay at mga stalls ng second-hand goods, na nagbago ng dating anyo ng lugar.

Sa kasalukuyan, ang dating sinehan ay naging Mofamco Building sa #53 T. Alonzo Street. Sa ngayon, dito matatagpuan ang iba't ibang opisina, simbahan, kooperatiba, at klinika sa halip na sinehan. Bagaman nagbago na ang layunin ng lugar, nananatili pa rin itong isang mahalagang bahagi komunidad sa Baguio. Maraming matatanda ang nagbahagi ng kanilang mga karanasan sa New Baguio Theater. Sila ay nagbalik tanaw sa mga nakaraang panahon na simple puno ng kasayahan, kung saan naging mahalagang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay at pagkakakilanlan ang sinehan. Pinagsama-sama sa mga sinehan ang mga pelikulang galing sa Hollywood at mula sa lokal na industriya. Ang mga palabas ay nagbigay ng pagkakataon sa mga taga-Baguio na maranasan ang iba’t ibang kwento at kultura, na nagpalakas ng kanilang pagkakaisa at pag-unawa sa mas malawak na mundo sa labas ng lungsod.

Ang mababang presyo ng tiket ay naging pangunahing dahilan kung bakit ang sinehan ay umunlad at nakilala sa iba’t ibang antas ng tao. Sa halagang kalahating piso para sa mga matatanda, nagbigay ito ng abot-kayang libangan para sa maraming pamilya, na nagresulta sa pagdagsa ng mga manonood. Hindi mawawala ang mahalagang papel ng sinehan sa muling pagbangon ng Baguio matapos ang digmaan. Sa kabila ng mga pagsubok, naging simbolo ito ng pag-asa at kasiyahan, na nagbigay inspirasyon sa mga tao sa gitna ng mga hamon na kanilang kinakaharap. Noon, maraming kabataan ang nagbahagi ng kanilang karanasan sa mundo sa pamamagitan ng mga pelikula na napanood nila sa New Baguio Theater.

Ang sinehan ay naging daan para sa kanilang mga pangarap at pag-asa tungo sa mas maayos na kinabukasan. Ang pagbagsak ng mga sinehan ay nagpapakita ng pagbabago sa kultura at ekonomiya ng Baguio. Ang paglitaw ng mga bagong uri ng libangan at ang epekto ng lindol ay nagresulta sa paglipat ng sentro ng aliwan sa iba’t ibang lokasyon. Ang mga alaala ng New Baguio Theater ay patuloy na nabubuhay sa puso ng mga tao sa lungsod. Sa pamamagitan ng larawan at mga kwentong ibinahagi sa social media, naipapasa ang kasaysayan ng sinehan sa mga susunod pang henerasyon bilang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan.

By Lorie Bernadette T. Laririt/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon