LUNGSOD NG BAGUIO
Sa gitna ng malamig na simoy ng hangin, unti-unting umiinit ang pulso ng kabataan habang papalapit ang 2025 midterm local and national elections. Sa lansangan, eskwelahan, at social media, ramdam ang sigla at determinasyon ng mga kabataan na baguhin ang takbo
ng eleksyon at ng bansa. Ayon sa Commission on Elections (Comelec), mahigit 68.6 milyon ang rehistradong botante sa buong bansa para
sa 2025, at tinatayang 20 milyon dito ay mula sa Gen Z ang tinaguriang ‘digital generation’ na aktibo sa social media at mabilis makakuha ng impormasyon. Sa Baguio City, tinatayang 44,000 ang kabataang botante, na bumubuo ng 30-40% ng kabuuang electorate ng lungsod.
Binibigyang-diin ni Comelec Chair George Garcia ang laki ng impluwensya ng Gen Z: “More or less, nag eexpect tayo ng mga hanggang 20 million members of Gen Z na mga kabataan,” aniya. Sa datos na ito, malinaw na ang kabataan ang may pinakamalaking potensyal na
magbago ng resulta ng halalan hindi lamang sa Baguio kundi sa buong bansa. Hindi basta-basta ang pamantayan ng kabataan sa pagpili ng iboboto. Si Emil Peterson, isang first-time voter mula Saint Louis University, ay mariing nagsalita tungkol sa mga hinahanap niyang kalidad ng iboboto: “Dapat may integridad sila. Dapat competent yung mga kandidato natin para masabi talaga natin na deserving sila
at kaya nilang solusyonan ang mga isyu ng Pilipinas.”
Ganito rin ang paninindigan ng mga second-time voters na sina Xianne Gaudia, at Dexter Bacud. Habang kay Xianne, “Syempre pagod na tayo sa mga trapo. Sana ang mahalal ngayon ay pro people talaga kase ang mga candidates natin aware naman sila na ang pagsisilbihan
talaga nila ay ang people at ang estado ng Pilipinas.” At kay Dexter, “Pinakaimportanteng quality ay pagiging progressive, ayun na rin yung pagkakaroon ng accountability, transparency, which unfortunately most ng nanalo ng pwesto ay wala sila non.”
Para kay Assistant Prof. Karin Bangsoy, isang political analyst, napakahalaga ng papel ng kabataan sa darating na eleksyon: “Kung ang kabataan ay may gusto o may ayaw, na mga isyu sa mga administrasyon na ito. It’s very important the youth know what it is they want during midterm elections, what we wanna see by the people that we will elect into power.” Hindi natatapos sa simpleng pagpili ng mga kandidato ang papel ng kabataan sa darating na eleksyon. Sa kanilang mga saloobin, malinaw ang mga pangunahing hinaing na nais nilang bigyang-pansin ng mga susunod na lider ng bansa. Isa sa mga pinakamalaking problema na kanilang nararanasan ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Dexter ang kahalagahan ng kalayaan sa pamamahayag bilang unang dapat unahin. Sa kanyang pananaw, ang malayang pamamahayag ang nagsisilbing daan para magkaroon ng counter-narrative laban sa mga kasalukuyang pinapalaganap na impormasyon mula sa estado. Hindi rin nakaligtas sa kanilang mga hinaing ang sistema ng edukasyon. Ibinahagi ni Almond Gregory Sison mula sa University of the Cordilleras na marami sa kanilang mga kabataan ay out of school youth dahil sa kakulangan ng pondo sa edukasyon.
Hindi lamang tuwing eleksyon makikita ang partisipasyon ng kabataan. Ayon kay Prof. Karin Bangsoy, may tinatawag siyang “mushroom
political engagement” kung saan ang mga kabataan ay aktibo lamang sa politika tuwing panahon ng halalan, ngunit nawawala ang kanilang pakikilahok pagkatapos nito. Binibigyang-diin niya na kailangang baguhin ito at palawakin ang kahulugan ng pagiging aktibo sa pulitika-hindi lamang sa pagiging informed, kundi sa pagiging mapanuri sa mga impormasyon, lalo na sa social media kung saan laganap ang fake news at misinformation.
Habang papalapit ang araw ng halalan, nananatiling tanong ng taumbayan, totoo nga ba ang sinabi ni Gat Jose Rizal na ang kabataan ang
pag-asa ng bayan? Sa Baguio City, tila unti-unti nang sinasagot ng kabataan ang tanong na ito. Sa kanilang dami, lakas ng loob, at malinaw na paninindigan, hawak nila ang kapangyarihang baguhin ang resulta ng eleksyon at ang kinabukasan ng lungsod at ng buong bansa.
Adrian Brix Lazaro/UB-Intern
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025