Kahalagahan ng kababaihan, iginiit ng WIN

LUNGSOD NG BAGUIO – Pagpapatibay sa kababaihan ang naging sentro ng pagbisita ng Women Involved in Nation-Building (WIN) sa lungsod.
Pinangunahan ni Vicky Aragon, presidente ng WIN, ang pagpapakalat ng impormasyon ukol sa kahalagahan ng kababaihan sa isang seminar noong Lunes ng umaga (Hunyo 18) sa Jasper Hall, Hotel Supreme na matatagpuan sa Magsaysay Avenue, Baguio City.
Kasali rin sa pagpupulong si WIN Vice-President Baby Del Mundo at mga kinatawan ng Luzon, Visayas at Mindanao na sina Board Members Rosary Garcia Perez-Tababa, Nancy Bacurnay, Flor Trani at Shirley Aala. Panauhin din si former secretary ng DENR Juan Romeo Nereus Olaivar Acosta.
Layunin ng WIN na iangat ang antas ng buhay ng kababaihan at ipaalala sa kanila na mayroong binuo at itinalagang organisasyon na magbibigay ng sapat na tulong at proteksyon sa mga babae lalo na sa mga kaso ng pang-aabuso.
Ayon kay Aragon, kailangan ng mahigpit na implementasyon ng gender and development code kahit saan mang parte ng komunidad.
Dagdag pa niya na kailangan at dapat malaman ng kababaihan ang kanilang karapatan hindi lamang bilang isang babae kundi pati na rin bilang isang indibidwal at sa pamamagitan nito ay unti-unting makakamit ang minimithing gender equality.
Samantala, naging mainit naman ang diskusyon at hindi na napigilang maging emosyonal at tila nagpupuyos sa galit si Del Mundo sa pagsagot tungkol sa kung ano ba ang dapat ituro sa kababaihan ukol sa kanilang responsibilidad bilang isang maybahay, pero kalauna’y kumalma at humingi ito ng pasensya.
Bago magtapos ang pagpupulong, isa namang oath taking ceremony ang ginanap para sa mga bagong halal na opisyal ng Women’s Neighborhood Organization mula Bangar, La Union. Ang nasabing mga bagong opisyal ay magsisilbing lider sa mga ipapatupad na programa ng WIN sa naturang lugar. ROMELO DUPO III, UC Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon