KAHANDAAN TUWING BAGYO…. MAHALAGA

Napakahalaga ang kahandaan tuwing ganitong panahon ng tag-ulan lalo na kung may bagyo. Sabi nga nila…daig ng maagap ang masipag. Kaya sa pagdaan ng bagyong si “Betty”….di gaanong malala
ang pinsalang iniwan sa ating bansa. Hindi kasing grabe ng mga nagdaang malalakas na bagyong dumaan sa Pilipinas. Habang sinusulat ang espasyong ito, patungong Taiwan na si “Betty” at
nakaalis na sa PAR – Phil. Area of responsibility.

Saluduhan natin ang ating kahandaan at magpasalamat sa ating Poon. Kung sa ilan ding pagkakataon na dinalaw tayo ng mga bagyo, nagpatumpiktumpik pang lumikas ang ating mga kababayan at kinakailangan pang sila’y puwersahang ilikas sa mga evacuation centers.  Sa bagyo ni “Betty”, nabago ang sistema. Maagap na tumalima ang ating mga kababayan.

Bago pa man dumating ang bagyo, nakalikas na sila. Kung di man sila nagtungo sa mga evacuation centers, sila’y nakisilong muna sa kanilang mga kamag-anak. Kumpleto na rin sila ng rasyon at gamit sa paglikas. Di tulad noon na hintayin pa nilang sila’y masalanta ng kalamidad saka pipila sa ayuda. Naging kaugalian na kasi ng ilan nating kababayan na kapag may forecast o babala ang
PAGASA … . titin g a la muna saka sabihing maaliwalas pa kaya ayaw pang lumikas. Kapag nariyan na ang bagyo saka nagkukumahog at sisisihin pa ang PAGASA na mali raw ang forecast.

Estilong pinoy talaga, di ba? Tigaskukuti pero susunod din sa huli. Buti pa ang ilang mga mangingisda, tulong-tulong silang magtulak ng kanilang mga bangka at dalhin sa mas mataas at ligtas na lugal bago dumating ang unos. Tulong-tulong din silang mag-aayos ng tirahan at ihanda ang kanilang pagkain at gamit sakaling may paglikas. Kahit malayo pa ang parating na bagyo, angklado na ang kanilang pamilya sa ligtas na lugal. Kung may ayuda man ang gobyerno pagkatapos ng kalamidad, sila’y nagpapasalamat naman.

In short, sanay na sila sa paghahanda sa tuwing may bagyo. Di gaya noon na kinakailangang kaladkarin pa sila ng LGU para dalhin sa mga evacuation centers. May mga mangingisda pa ngang laging may ipong daing na isda mula sa kanilang mga huli bilang dagdag na pagkaingpampamilya kung kinakailangan. Hindi na uubra ang laging manghihingi na lamang sa gobyerno at kapitbahay pag may kalamidad. Kahandaan ang kanilang kalasag at ispiritu ng bayanihan.

Sa panig naman ng mga magsasaka….di alintana ang pagkalugi sakaling may kalamidad. Bago pa dumating ang isang bagyo, kailangang anihin na ang kanilang pananim masulit man lang ang kanilang gastos dito. Bawi na lamang sila sa susunod na taniman at anihan. Ang ilang maalam sa
teknikalidad sa pagsasaka, alam nila kung kailan sila magtatanim na upang makaiwas sa bagyo o
tag-ulan. Bagama’t maraming sakahan ang nagdedepende lang sa ulan, may mga teknolohiya na rin na nagagamit.

Bagama’t may mga kalamidad na di inaasahan at talagang punas ang kanilang mga tanim…di sila sumusuko at bumabangon muli. Walang pinag-iba sa punong-kawayan. Umaayon sa bugso ng hangin ngunit tumitindig pa rin pagkatapos. Pasalamat tayo sa pamahalaan dahil lagi itong
nakaantabay sa ganitong panahon. Bawa’t ahensiya at LGU ay sama-samang kumikilos para sa proteksiyon at tulong sa mga mamamayan.

Maaring may nangyayaring “lamangan”, o kupitan sa ayuda o rasyon subali’t maging mapagmasid tayo mga kababayan na ang dapat na maibigay ay makarating sa dapat na mabigyan at hindi sa kamay ng mga gahaman (hindi po sa nilalahat). Makiisa at makipagtulungan sa ating pamahalaan at otoridad para masugpo ang ugaling ito. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon