KAILANGAN NA BANG PUTULIN ANG SISTEMA NG PARTY-LIST?

Ayon sa poll watchdog na Kontra Daya, sa kamakailang isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) ay lumabas na ang mga nangungunang party-list na grupo ay may mga koneksiyon sa mga politikal na pamilya, malalaking negosyo, at koneksiyon sa militar at sinabing karamihan sa mga party-list na sumali sa 2025 midterm elections ay hindi ikinakatawan ang mahihirap at kulang sa representasyon. Minarkahan nila ang 88 party-list groups o 55 porsiyento ng mga tumatakbong grupo na 155 sa kabuuan. Maliban sa sinasabing koneksiyon sa mga pamilyang politikal at malalaking negosyo ay nakita rin ang mga kaso ng korapsyon, kahina-hinalang adbokasya, at kulang sa impormasyon sa mga ito.

Ang Party-List System ay nagmula sa 1987 Saligang Batas sa pamamagitan ng Republic Act No. 7941 na kung saan ang batas na ito ay isinasaad na ang sistema ay magsisilbing isang plataporma para sa mahihirap na sector at ang mga umukit ng Konstitusyon ay nagbigay din sa maliliit na Partido sa mga distrito ng pagkakataon na sa mga upuan sa proporsyon ng kanilang nasasakupan. Kabilang sa mga dapat ikatawan ay ang mga kabilang sa grupo ng paggawa, magsasaka, mangingisda, mahihirap sa lungsod, katutubong pamayanan ng kultura, matatanda, may kapansanan, kababaihan, kabataan, beterano, manggagawa sa ibang bansa, at mga propesyunal.

Subalit sa kaluwagan ng batas ay nagpahintulot sa mga dinastiya na samantalahin ito. Naging mas pangahas ang mga pamilyang dinastiko na sumali sa Party-List elections matapos pagpasiyahan ng Korte Suprema noong 2013 na ang mga Pambansa at rehiyonal na partido at mga organisasyon ay hindi na kailangang mag-organisa kasama ang sectoral lines at hindi na kailang kumatawan sa anumang mahihirap at hindi-naikakatawan na sektor upang makalahok sa halalan kung saan hindi na kailangang manggaling ang mga nominado ng party-list groups sa mahihirap na sektor. Napakaganda ng unang layunin ng Party-List System, subalit sa pagdaan ng panahon ay
lalong nababalahura ito at napagsasamantalahan ng mga politiko.

Isa itong naging napakadaling paraan upang maging “kagalang-galang na kinatawan” sa Kongreso. Ginawa itong karagdagang impluwensiya at kapangyarihan ng mga namumuno at malalakas. Nakita natin na dinaig ng mga kinatawan ng mga Party-List groups ang mga regular at mga congressman ng distrito kung saan sila ay humawak ng mabibigat at mainpluwensiyang committee chairmanships. Kalunos-lunos pa ay wala tayong naramdaman at nakitang magandang idinulot ng Party-List sa buhay ng bawat Pilipino lalo na ng kanilang mga ikinakatawan, na tila naging manika na lamang sila ng mga namumuno, sumusunod sa bawat kumpas ng daliri.

Palagi nating naririnig na sa bawat halalan ay hinihiling sa bawat botante na maging “mature” sa pagpili, subalit paulit-ulit naman ang mga nangyayari – hindi natin nakakamit ang tunay na ninanais. Maaari kayang sabihin na hindi ang botante ang dapat maging “mature” kundi ang sistema sa halalan mismo? Tanggalin sa sistema ang hindi naman nakakatulong bagkus ay nagiging kasangkapan pa sa patuloy na paghihirap? Umpisahan na sigurong tanggalin ang Party-List sa sistema dahil napakalinaw pa sa sikat ng araw na hindi nito naibigay ang tunay na layunin nito.

Para itong isang sasakyan na hanggat umaandar pa at napapakinabangan ay patuloy na sinsakyan ng mga mapagsamantala. Ngunit ang mabigat na katanungan ay sino ang mangunguna na tanggalin ito? Ang mga mismong mambabatas? Imposible! Ang mga politiko? Lalong mas imposible. Ang kataas-taasang hukuman ang pinapaniwalaan nating huling moog ng hustisya, subalit nakita natin ang ilang pagpapasiya na hindi naging pabor sa taong-bayan. Kaya, sino kaya ang maglalakas-loob na pangunahan ang pagputol sa tali ng sistema ng Party-list?

224!

Amianan Balita Ngayon