KALAHI-CIDSS at legal adoption, tinalakay ng DSWD

Ipinagmalaki ng Department of Social Services and Development ang mga tagumpay ng programang Kapit-bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) at ipinaliwanag ang pag-aampon nang legal noong Pebrero 16, 2017 sa DSWD Training Center.
Pinangunahan ni DSWD-Cordillera Officer-in-Charge Regional Director Janet Armas ang pagtalakay sa mga programa at proyekto ng DSWD, ang mga nagawa noong nakaraang taon at ang pagpapatuloy ng mga ito ngayon taon.
Iniulat nito ang matagumpay na resulta ng KALAHI-CIDSS sa Barlig sa Mountain Province na kinilalang may most improved barangay pagkatapos isailalim sa naturang programa.
Sa kasalukuyan, pitong munisipalidad sa Benguet, isa sa Apayao, 11 sa Abra, dalawa sa Ifugao, at apat naman sa Mountain Province ang may mga proyekto na ng KALAHI-CIDSS. Tinatayang 30,143 na pamilya na ang natulungan ng programa.
Pangunahing layunin ng proyekto na mapaganda at maisaayos ang buhay ng mga nakatira sa mga lugar na nangangailangan ng pag-unlad. Ang pagpili sa mga munisipalidad na maaaring gumamit ng KALAHI-CIDSS ay ayon sa criteria ng DSWD. Kasama rito ang antas ng munisipalidad at poverty incidence ng lugar.
Bilang pagdiriwang naman sa Adoption Consciousness Week ngayong linggo na may temang “Pagmamahal ating palaganapin, legal na pag-aampon ating gawin”, tinalakay ni Armas at dalawa pang opisyal ng DSWD ang legal na pag-aampon.
Nilinaw ng isang social welfare officer ang pinagkaiba ng foster care sa adoption. “Adoption is permanent placement ng bata who is declared ready for adoption, ang batang for adoption ay kailangan munang legally ma-declare na up for adoption… foster care ay temporary placement under licensed foster parents,” aniya.
Ang mga batang maaaring ipaampon ay mga menor de edad (below 18). Ang mga ito ay naiwan, napabayaan, o ipinaubaya na mismo sa DSWD. Kapag walang magulang na mahahanap ang DSWD, ang bata ay mailalagay na sa adoption process.
Para naman sa mga nagbabalak mag-ampon, kailangang handa at kayang alagaan ang batang aampunin. May mga kwalipikasyon at requirements na dapat sundin. “If you are approved or qualified then you are subjected for matching… based on child preference, age, medical situation, and sex,” dagdag ng opisyal.
Sa mga batang ipinapaampon ay 10 ang matched locally at 11 naman sa inter-country adoption kung saan foreigners o naturalized citizens sa United Stated, Australia, Canasa, Spain, France, at Sweden ang pamilya o magulang na gustong mag-ampon.
Ang namamahala sa pag-match ng bata sa maaaring mag-ampon ay ang Child Welfare Specialist Group. Ito ay grupo na binubuo ng mga propesyonal, mga abogado, psychologists, pediatricians, at DSWD officer.
Samantala, ipinagmalaki rin ni Armas ang iba pang proyekto ng DSWD.
Aniya, ang Pantawid Pamilyang Pilipino ay nakatulong sa 63, 365 na beneficiaries, nabigyan naman ng sustainable livelihood ang 3, 156 na beneficiaries sa pamamagitan ng minor enterprise development at 3, 672 katao ang nabigyan ng trabaho na hindi bababa sa tatlong buwan.
Dagdag pa ni Armas, nagkaroon ng feeding program sa 42, 184 na mga bata sa Child Development Centers kung saan 96 porsyento ng mga ito ay nanatili ang normal nutritional status. Nabigyan ng social pension ang 57,847 na senior citizens at nakapaghatid ng relief and shelter assistance and DSWD sa 39,840 na pamilya na nabagyo nitong nakaraang taon.
Aniya, patuloy silang nakikipagtulungan sa Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), at Local Government Units (LGUs) upang lalong makatulong at makapagbigay ng mga serbisyo sa mga tao. Sharmaine Florendo, UP Baguio / ABN

Amianan Balita Ngayon