NITONG MIYERKOLES, ating ipinagdiwang ang Araw ng Kasarinlan, kung saan pinag-alab ang pusong Pinoy ng iba’t ibang uri ng selebrasyon na uminog sa pag-gunita sa ating kasaysayang hitik sa kabayanihan. Kasarinlan. Ano nga ba ang diwang ito? Kung ating ginugunita ang mga pangyayari noong Hunyo a-dose, taong 1898, makabuluhan ngang bigyang pagpupugay ang araw na iyon. Sa unang pagkakataon, tinugtog ang Pambansang Himno na pinamagatang Lupang Hinirang, kasabay ng pagtataas ng bandilang likha ni Marcela Agoncillo.
At ang unang Pangulo ng Republikang binuo sa pawis, luha at dugo ng di-mabilang na mga martir, si Heneral Emilio
Aguinaldo, ang nagbigay ng deklarasyon ng ating kasarinlan, upang bigyang buhay ang ilang siglo ring hinangad ng mga Pilipinong ang ngalan ay nagsimula kay Lapu-Lapu. Ano nga ba ang kasarinlan na siyang ipinahayag ni Heneral Aguinaldo? Ito ba ang maging isang bansang sa kanyang sariling punyagi, sikap at tyaga ay mag-isa nyang tatahakin ang landas ng isang bayang tatahak sa landas ng isang malayang lipunang itinatatag upang maging katangi-tanging lahi ng Pilipino?
Kung ihahambing ang ganitong pananaw sa isang pamilya, ang magsarili ba ay katulad ng mga anak na sa tamang edad (at kalidad) ay maaari ng tumayo sa sariling mga paa at hayaang kanyang lakarin ang landas ng pagiging Malaya? At dito naman mapagtatanto ang kaibahan ng konsepto ng kalayaan kung pagyayamanin sa konsepto ng
kasarinlan. Walang katwiran or karapatan ang isang bansa na maging nagsasariling lipunan kung walang kalayaan ang mga mamamayan na hubugin ang kanilang pinagbuong kakayahan upang maging nagsasariling bansa ang bayang sinilangan.
Kung hindi malaya – sa isip, sa diwa, at gawa – paano na ang mga hamon na dapat ay hinaharap at niyayakap ng
pamayanang binuo ng mga pangarap na siyang lubid na nagdudugtong sa bawat isa? Maging malaya muna, bago maging nagsasariling bansa – ito ang hindi maitatatwang kabuuan ng isang kasarinlang hininang sa diwang may kalayaan. Hindi gaanong nauunawaan ang katwiran ng panukalang patawan ng multa o abuloy na P250 na ipapataw
sa bawat turista o residente ng Baguio na gagamit ng sasakyan upang makapasok sa teritoryong binansagang Central Business District.
Congestion fee ang bansag. Ibig sabihin, gusto mong makisalamuha sa sikip ng trapiko, ibig mong maging sanhi ng kabigatan upang mabagtas ang mga kalsada sa loob nito, magbayad ka ng kaukulang perwisyo gawa ng iyong
pagnanais na magamit ang mga pangunahing daan sa loob ng zonang CBD. Ang bagong alituntunin ay mungkahi pa lamang at ngayon nga ay idinadaan sa sigla ng konsultasyon. Pagkatapos ay dadalhin naman sa iba pang proseso ng pag-uusap at talakayn upang ang saloobin ng sambayanan ay maipahayag ng buong kusa at laya. Saka pa lamang iaangat sa iba pang pamamaraan ng pag-gawa ng polisiya na siyang magiging kabuuan ng isang natatanging programa.
Ang ganito bang pagpataw ng babayaran ng motorist ay isang paraan ng pagbubuwis? Kung ganoon, hindi ba dapat idaan ito sa proseso ng pag-aaral bilang karagdagang buwis. Wala muna tayong kikilingan kung ito ba ay napapanahong pagrepaso at pagbalangkas ng mga bagong solusyon upang maibsan ang bigat ng trapiko sa ating
lungsod, lalo at higit sa loob ng CBD. Sa katunayan, dapat pang saliksikin ang mga batayan ng panukalang ganito, upang sa puno’t dulo, magkaroon ng katiyakan na ang kaayusan ng lungsod ay mabigyan ng pangunahing atensyon. Kakaiba na maituturing. Sinasabing ang ganitong pamamaraan ang siyang lunas sa ilang dekada ng paghagupit ng sobrang trapik sa Baguio. Kung ito ay kwentong pam-Baguio, ating hintayin ang susunod na kabanata!
June 15, 2024
December 9, 2024
December 9, 2024
December 9, 2024
December 9, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024