KALINISAN SUSI DIN SA KALIGTASAN SA SAKIT

Nitong nakaraang linggo ay nagpahayag ang mga eksperto sa pampublikong kalusugan ng isang dengue fever alarm sa Lungsod ng Baguio dahil nakitang dumadami ang mga kaso sa isang “nakababahalang antas”. Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit ng Baguio City Health Services Office (CHSO) ay mayroong 134-porsiyentong pagtaas na may 940 kaso na naitala mula Enero 1 hanggang Hunyo 28, kumpara sa 401 kaso ng nakaraang taon sa parehong panahon. Ang 71% ng kabuuang mga kaso ay mula sa lungsod habang ang natitira ay mula sa
ibang bayan.

Binanggit ng CHSO ang 376-porsiyentong pagdami ng mga kaso para sa mga linggong 21 hanggang 24, o mula 75 kaso noong 2023 sa 376 ngayong taon. Sampung hotspot na mga barangay na may clustering ng mga kaso ay Irisan, Bakakeng Central, Asin Road, Pacdal, Sto. Tomas Proper, Gribraltar, West Quirino Hill, Mines View Park, Middle Quirino Hill at Victoria Village. Dahil dito ay magpapalit ang pamahalaang lungsod ng kanilang estratehiya sa pagtugon sa dumaraming kaso ng dengue sa paghabol sa mga may-ari ng bahay na mabibigong sumunod sa clean-up drive.

Nanawagan si Mayor Benjamin Magalong ng isang pinag-ibayong implementasyon ng anti-dengue ordinance matapos mapansin ng mga CHSO medical officer at mga sanitation inspector na maraming residente ng barangay ang hindi nakikipagtulungan sa pagsisikap na kontrolin ang paglaganap ng dengue. Inutusan ni Mayor Magalong ang Baguio City Police Office at ang Public Order and Safety Division na tulungan ang mga personnel ng sanitation division sa pagsasagawa ng information dissemination, case surveillance at geo-tagging operations sa mga barangay.  Bibisitahin ng BCPO, HSO personnel, at mga opisyal ng barangay ang mga sambahayan upang siyasatin hindi lamang ang mga nakikitang lugar kundi susuriin din ang pagkakaroon ng mga pamugaran ng mga lamok.

Pagmumultahin ng lungsod ang mga taong hindi sumusunod sa mga pamamaraan sa pagkontrol ng dengue na pinaigting ang implementasyon ng Anti-Dengue Ordinance ng lungsod. Ipinagbabawal ng Baguio City Ordinance 66-2016 ang pag-iimbak ng tubig sa mga lalagyan na hindi mahigpit na natatakpan; pag-iingat at pag-iimbak ng mga plorera at paggamit ng ornamental plants na may pot saucer at axilled plants sa matagal na panahon; pag-iingat at pagkakaroon ng nakakalat ng mga gulong; pagtatapon ng tubig o sewage sa mga kalsada, lansangan, eskinita at
daanan; at pagsasagawa ng chemical control methods na walang pahintulot mula sa CHSO at ng Department of Health.

Ang Consolidated Anti-Dengue Ordinance na naging epektibo noong first quarter ng taong ito ay nag-uutos sa mga residente na maging mas proactive sa kanilang pakikilahok upang maiwasan ang mga panganib sa kalusugan dahil idineklara na ng mga awtoridad sa kalusugan na ang mga sakit mula sa mga lamok gaya ng dengue ay hindi isang pana-panahon na sakit na pinakamataas sa tag-ulan kundi naging isang buong-taong problema na. Para mapuksa ang dengue ay hindi lamang trabaho at alalahanin ng gobyerno kundi pati na rin ng ating mga residente /mamamayan dahil ang mga pamugaran ng mga lamok ay wala sa mga karaniwang lugar kundi sa mga tahanan, mga bakuran ng residensiyal, na hindi naaabot ng gobyerno para linisan.

Ang responsibilidad ng paglilinis sa mga bahay at bakuran ay ang mga nanininirahan dito, ang mga may-ari at panahon na upang mapagtanto ito ng mga tao. Napapanahon na upang ibahin na ang estratehiya na layong baguhin ang uri ng pag-uugali ng publiko ukol sa kalinisan. Maraming tao ang wala pa ring pakialam sa paligid, na kahit
nagsisikap ang isang sambahayan kung ang mga kapitbahay naman ay hindi nakikipagtulungan ay wala ring patutunguhan ang pagsisikap na mapuksa ang dengue. Kailangan ang sama-sama at nagkakaisang layunin para sa kaligtasan ng lahat. Kung ang pagmulta sa hindi sumusunod ang kinakailangan ay walang pag-aalinlangang dapat ipatupad ito.

Amianan Balita Ngayon