Kalye Survey – “totoong oras, totoong tao, totoong damdamin ng tao”

Editorial

Kung pagbabasehan ang ginagawang mga serye ng “kalye survey” ng iba-ibang vlogger kung sino sa mga kandidato sa pagka-Presidente sa halalan 2022 ang iboboto nila ay alam na natin kung sino ang malinaw na mananalo.

Mula nang umpisahan ang kalye survey na ito noong unang mga linggo ng Oktubre ay tuloy-tuloy ang pangunguna ni Bongbong Marcos laban sa limang kandidato na binabanggit sa survey.

Ang nasabing mga kalye survey ay isang “totoong oras” at “totoong mga tao” na survey sa iba-ibang lugar sa Pilipinas at maging sa
ibang bansa kung saan ang tinatanong ay nabibilang sa mga karaniwan at ordinaryong Pilipino o “masa”.

Kapansin-pansin na napakalaki ng mga agwat ng lamang ni BBM sa kapuwa niya mga kandidato na sina included Leni Robredo, Manny Pacquiao, Panfilo Lacson, Isko Moreno, at Ronald “Bato” Dela Rosa na kung tatantiyahin ay mahigit 60 porsiyento sa mga tinatanong ang may gusto kay Bongbong na susunod na Pangulo ng Pilipinas.

Upang maiwasan na pagdudahan ang resulta ng kalye survey ay ginagawa ng mga vlogger ang pagtatanong na biglaan, sunodsunod, walang pinipili at tuloy-tuloy ang oras ng pag-video (random) hanggang matapos at bilangin na ang kabuuan.

Halo-halo ang tinatanong sa survey, mga tao sa kalye; mga vendors; mga nagtitinda sa pampublikong merkado at mga mall; mga tricycle at PUJ drivers; mga guwardiya; kahit nga pulis – “mga taong mula sa lahat ng antas ng buhay” ika nga.

Sa unang ipinost ng isang vlogger sa Youtube ay nakakagulat ang naging resulta ng kaniyang survey mula Oktubre 1 hanggang Oktubre 10 – sa kabuuang 2,137 na responde ay 1,307 ang nagpahayag na pinipili nila si Bongbong, sumunod si Isko na malayo ang agwat na may 345; ikatlo si Leni na may 231; Pacquiao na may 126; Lacson na may 89 at si Bato na may 23.

May nag-kalye survey din dito sa Baguio City, La Trinidad, Itogon at Tuba at ang lumabas sa pinagsama-samang tala sa apat na lugar ay : Bongbong Marcos, 512; Leni Robredo, 28; Isko Moreno, 22; Pacquiao, 14; Ping Lacson, 6 at Bato Dela Rosa, 4. Sa kabuuang 586 na respondent ay lumilitaw na 87.37 porsiyento ang mas pinipili si Marcos kaysa mga katunggali, napakalaki ng agwat – “landslide” kung tawagin.

Ang ganitong survey ay maaaring iba sa mga karaniwang pamamaraan na ginagawa ng malalaking survey firms at maaaring hindi maging isang sukatan upang hulaan ang kalalabasan ng halalan ay nagpapatunay naman ito ng totoong damdamin ng mga karaniwang mamamayang Pilipino.

May mga bumabatikos at kumukuwestiyon sa mga kalye survey na baka daw gawa-gawa lamang ito at mga bayaran ang mga vlogger na tuwiran namang pinabulaanan ng mga vlogger bagaman halata naman kung sino ang kanilang dinadala.

Gayunman, ang mga nagdududa sa kalye survey (mga kilalang kumokontra at kritiko ni BBM) ay nagsagawa rin ng kanilang “online survey” sa social media upang ipakita na ang kanilang manok ang siyang totoong mangunguna sa survey, o kaya ay malapit at dikitan ang laban ng kanilang manok at sa nangunguna subalit nabaligtad ang pangyayari kung saan lumamang pa ng mas malaki si BBM kaysa sa dinadala nilang kandidato.

Ang resulta ay tinanggal na lamang nila ang nasabing online survey at sinabing hindi raw naaayon ito sa kanilang adhikain. May mga pagkakataon na nabahiran ng padududa ang mga ginagawang survey ng mga kilala at malalaking survey firms dahil sa kabila ng nababayaran diumano sila ay namamaniobra nila ang resulta ng survey pabor sa kung sino ang tinatangkilik nila – gamit daw ang siyentipiko at kumplikadong matematikong pamamaraan.

Kumpara sa kalye survey kung saan simpleng matematiko lamang ang gamit gaya ng addition, minus, multiplication at division ay nailalabas ang sariwa at hindi edited na mga resulta – “kung ano ang nakita mo ay siyang makukuha mo” ika nga.

Anim na buwan pa bago ang halalan sa Mayo 2022 kaya aasahan pa natin ang maraming survey na siya natin nakikitang gagamitin pangontra sa kung ano man ang mangyayaring dayaan sa eleksiyon.

Dahil ang tunay na panahon ng kapasiyahan upang malaman ang totoong nais ng sambayanang Pilipino bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas ay sa pagbilang na ng mga “balota” kung saan makina ang muling bibilang ng mga ito.

Nawa’y hindi na maulit ang mga akusasyon ng pandaraya gamit ang vote counting machine (VCM), ang tao’y nahihikayat mandaya ang makina pa kaya na madaling kontrolin? Ang malinis na halalan ay magbibigay sa atin ng tunay at totoong susunod na Pangulo.