BAGUIO CITY
Sa pagdiriwang ng Cervical Cancer Awareness Month ngayong Mayo, nagsagawa ng Health Media Conference ang Department of Health – Center for Health Development – Cordillera Administrative Region (DOH-CHD-CAR) upang paigtingin ang kampanya kontra cervical
cancer sa rehiyon. Ang naturang aktibidad ay nilahukan ng mga kinatawan mula sa media, lokal na pamahalaan, at iba’t ibang health organizations na layuning mapalawak ang kaalaman ng publiko ukol sa sakit na ito, lalo na sa mga kababaihan. Isa sa mga pangunahing
tagapagsalita si Rock Tubana,Nurse III-DOH-CMD, na nagbigay-linaw ukol sa datos, layunin, at kahalagahan ng maagang pagsusuri at
pagpapagamot.
Ayon sa World Health Organization noong 2022, mayroong 8,549 kaso ng cervical cancer sa Pilipinas, na katumbas ng 8.1% ng kabuuang kaso ng cancer sa kababaihan. Ito ay ikatlo sa pinakakaraniwang uri ng kanser sa mga Pilipina, kasunod ng breast cancer (31.2%) at
colorectal cancer (8.8%). Sa rehiyon ng Cordillera, batay sa 2024 Annual Cervical Cancer Screening Report, umabot lamang sa 6,457 na
kababaihan o 1.92% mula sa target na 5% ng kabuuang populasyon ng kababaihang edad 30–65 ang napasailalim sa screening. Sa nasabing bilang, pito ang pinaghihinalaang may kanser,133 ang nag-positibo, ngunit 39 lamang ang na-refer para sa gamutan, at 19 lamang ang aktwal na nakatanggap ng lunas.
Ang cervical cancer ay isang uri ng kanser na nabubuo sa cervix o kuwelyo ng bahay-bata ng kababaihan. Kadalasang sanhi nito ang matagal na impeksyon ng Human Papillomavirus (HPV), isang sexually transmitted infection. Maaaring walang sintomas sa unang yugto ng sakit ngunit kapag ito ay lumala, ilan sa mga senyales na maaaring maranasan ay abnormal na pagdurugo mula sa ari, masakit na pag-ihi, hindi pangkaraniwang discharge, at pananakit ng ibabang bahagi ng tiyan at masakit na pakikipag-talik. Dahil dito, mahalaga ang regular na pagsusuri gamit ang Pap smear, Visual Inspection with Acetic Acid (VIA test), at HPV DNA Testing at ang pagbabakuna kontra HPV na inirerekomenda sa mga kabataang babae.
Ipinahayag din na bukod sa cervical cancer screening, aktibo ring nagbibigay ng mga life stage services ang DOH-CAR gaya ng 13,993
Clinical Breast Examinations,3,936 HPV Vaccinations, 5,830 Family Planning Services, at 348 Nutrition Services. Isa ito sa mga hakbang ng pamahalaan upang mapalawak ang abot-kayang serbisyong pangkalusugan, lalo na sa mga komunidad na malayo sa sentro ng lungsod.
Binigyang-diin ni Tubana na maagapan ang cervical cancer kung maagang matutuklasan. Hinikayat niya ang mga kababaihan sa rehiyon na samantalahin ang mga libreng serbisyo para sa screening at HPV vaccination na iniaalok sa mga DOH-accredited na pasilidad. Sa pagtatapos ng pagpupulong, nanawagan ang ahensya sa publiko na mas pagtuunan ng pansin ang regular na pagpapasuri upang mailigtas ang mas maraming buhay mula sa sakit na kayang maiwasan at magamot kung maaagapan.
Janieca Edejer/UB-Intern
May 11, 2025
May 11, 2025
May 11, 2025