Kaso ng dengue sa Pangasinan, tumaas ng 182%

LINGAYEN, PANGASINAN – Nakiusap ang Pangasinan Provincial Health Office (PHO) sa mga Pangasinense na mag-ingat kontra dengue virus, dahil sa naitalang mataas na bilang ng kaso ng dengue sa unang bahagi ngayong taon.
Ayon kay Dr. Anna Theresa De Guzman, provincial health officer, na nakapagtala ang PHO ng 982 dengue cases mula Enero 1 hanggang Abril 2 ngayong taon, 182 porsiyentong itinaas mula sa 348 na kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Aniya, ang PHO ay nakapagtala na ng apat na mortality cases ngayong 2018 mula sa tatlong kaso noong 2017.
Dagdag pa niya na sa 10 bayan at lungsod, kung saan may mataas na bilang ng biktima, ay nasa mahigpit na monitoring ng PHO.
Ang Urdaneta City ang nakapagtala ng pinakamataas na dengue cases sa probinsiya na may 119, sinundan ng Binmaley (65), Mangaldan (55), Asingan (50), Sta. Barbara (48), San Carlos City (47), Lingayen (47), Bolinao (45), Binalonan (36) at Bayambang (32).
Idinagdag pa niya na ang pinakabatang biktima ng dengue ay isang apat-na-buwang sanggol at ang pinakamatanda ay 69-anyos na ginang.
Samantala, pinayuhan ni De Guzman ang lahat na alisin ang mga mabahong tubig sa kanilang bahay at komunidad, na siyang maaaring pangitlugan ng mga lamok.
“We also give treated mosquito nets to schools and chemical treatments for sewerage systems in communities,” aniya. A. PASION, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon