KASO NG SKIN DISEASE POSIBLENG MARANASAN NGAYONG TAG-INIT

BAGUIO CITY

Nagbabala ang health authorities nap ag-ingatan ang skin diseases ngayong nararanasan ang tag-init sa bansa. Ayon sa mga eksperto, ang
labis na pagbabad sa araw ay maaaring magdulot ng sunburn, melasma, acne breakouts, at hyperpigmentation, mga kondisyong maaaring
humantong sa mas malubhang sakit kung hindi agad maaagapan. Ang Aesthetician na si Ligaya Erlinda Lagman-Chulyao ay nagbabala na ang matinding sikat ng araw ay may masamang epekto sa balat, lalo na kung hindi tayo mag-iingat. “Hindi lang ito simpleng pagkaitim ng balat.

Ang sobrang exposure sa UV rays ay maaaring maging sanhi ng pangmatagalang pinsala sa balat,” paliwanag niya. Ayon pa kay Lagman-Chulyao, ang sunburn ay isang malinaw na senyales ng skin damage. “Kapag nasunog ang balat, ito ay nagiging pula, masakit, at maaaring magbalat. Sa matagalang epekto, maaari itong humantong sa premature aging o maging skin cancer.” Ngunit hindi lang mga nagbabakasyon sa beach o mga mahilig magpaaraw ang dapat mag-ingat. Maging ang mga nagtatrabaho sa lansangan ay direktang naaapektuhan ng matinding init.

Ayon kay Patrolman Renato Hernandez, isang traffic enforcer, mayroon silang mga paraan upang maprotektahan ang kanilang balat mula sa sikat ng araw. “Salitan kami sa duty para hindi tuluyang ma-expose sa init. Nagsusuot din kami ng protective gear gaya ng arm sleeves at sumbrero,” aniya. Bukod sa sunburn, isa rin sa mga problemang dulot ng araw ay ang melasma, ang pagkakaroon ng maiitim na batik sa mukha na dulot ng sobrang UV exposure. Karaniwan itong nakikita sa mga kababaihan at maaaring lumala kung hindi maagapan.

Mayroon ding posibilidad ng acne breakouts at hyperpigmentation tuwing tag-init dahil sa labis na pawis at dumi na naiipon sa balat. “Kapag pinabayaan, maaaring humantong ito sa pamamaga at peklat sa balat,” dagdag ni Lagman-Chulyao. Upang maiwasan ang mga kondisyong ito, ipinapayo ng mga eksperto ang paggamit ng sunscreen na may mataas na SPF. Mahalaga rin ang pagsusuot ng sombrero, salaming panangga, at damit na may mahahabang manggas upang mabawasan ang direktang tama ng araw sa balat.

“Hindi sapat ang minsang pagpahid lang ng sunscreen sa umaga. Dapat itong i-reapply tuwing dalawang oras, lalo na kung pawisin o
madalas nakabilad sa araw,” ani Lagman-Chulyao. Bukod sa panlabas na proteksyon, mahalaga rin ang tamang pangangalaga mula sa loob. Pinapayuhan ang publiko na uminom ng maraming tubig upang mapanatili ang tamang hydration ng balat. “Kapag kulang sa tubig ang katawan, nagiging tuyo ang balat at mas madaling masira. Kaya dapat siguraduhin nating hydrated tayo lalo na sa mainit na panahon,” dagdag niya.

Payo rin ng mga eksperto na gumamit ng mild na sabon at iwasan ang labis na pagkuskos ng balat tuwing naliligo upang hindi ito mairita.
Sa kabila ng init ng panahon, hindi dapat isakripisyo ang kalusugan ng balat. Ang simpleng pag-iingat ay maaaring makatulong upang maiwasan ang mga seryosong sakit na maaaring idulot ng araw.

Jude Mark Biccay/ UB-Intern

Amianan Balita Ngayon