KILALANIN: ESTUDYANTENG NEGOSYANTE SA BAGUIO

Si Juzthyn Dwayne Vaughn Jimeno Tamayo,18, ang estudyanteng negosyante ng siyudad ng Baguio


BAGUIO CITY

Isang binatilyong atleta ang umaarangkada sa industriya ng pagnenegosyo mula pa lamang sa edad na labing pitong taong gulang dito sa lungsod ng Baguio. “Noong Disyembre 2023, dahil sa dumarami na turista at matinding trapiko sa Baguio naisipan ko magsimula ng
pagnenegosyo sa pagpaparenta ng motor. Yung unang motor ko ay binili ko mula sa ipon ko, hindi alam mga magulang ko yun. Ilang beses ko itong pinaayos dahil madalas masira sa paggamit ng mga kliyente ko,” ito ang pahayag ni Juzthyn Dwayne Vaughn Jimeno Tamayo, 18, estudyante sa SLU Laboratory Elementary at Junior High School.

Noong Grade 11 hanggang Grade 12, nag-aral naman sya sa University of Baguio at nagtapos noong Mayo 2025. Aniya, “Nag-abroad si Daddy sa Saudi, habang si Mama ay nagtatrabaho sa Prudential. “Pag-uwi ni Daddy, nagsimula kami ng negosyo ng lechon manok na tinawag naming Enoks. Nagsimula akong maging atleta noong ako’y 13 anyos, Grade 7 pa lang ako noon.” Ang mga sport ng batang
negosyante ay triathlon, swimming, biking, at running. Nagsimula rin siyang mahilig sa golf noong nakaraang taon. Sa panahon ng pandemya, mahigpit ang mga protocol sa mga paligsahan.

“Kailangan pa naming mag-swab test bago makasali sa race, pati narin ang mga magulang ko o kahit sinong sasama sa paligsahan. Nang lumuwag ang mga patakaran, araw-araw na akong nagtra-training pagkatapos ng klase.” “Gusto ko ang ginagawa ko kaya hindi ako napapagod. Mahalaga ang time management lalo na kung mahal mo ang iyong ginagawa.” Ngayon, ay may pinaparentahan ito sa Bonski’s
Garage ng Baguio at La Union branch na tatlumpu’t anim na motor at sampung sasakyan na pagmamay-ari niya. Si Tamayo ay nakatapos na ng Senior High at ngayon ay nakatuon muna sa negosyo habang naghihintay ng kanyang college entrance exam. “Ang mapapayo ko lang sa mga kaedad ko o sa mga kapwa kong estudyante na nangarap, ay tuparin ang mga pangarap sa pamamagitan ng pagtitiyaga kung anuman ang kinahaharap sa buhay, dahil ang sipag ang magtutulak sa atin para matupad ang isang pangarap.”

Lorie Bernadette T. Laririt/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon