KINABUKASAN NG BANSA SA 18M “FUNCTIONAL ILLITERACY”

Mayroong higit 18 milyon na junior high school graduates na itinuturing ng “functional Illiterate” o may mga problema sa pag-intindi (comprehension) at pag-unawa. Inihayag ito sa Senate basic education committee hearing sa mga reulta ng 2024 functional literacy, education and mass media survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Auhtority (PSA). Inihayag nito ang datos ng PSA na napakita na 79 milyon Pilipino ang itinuturing na functional sa ilalim ng 2019 parametro ng pag-aaral. Subalit sa ginawang pagbabago ng PSA sa mga bagong parametron na ikonsidera ang isang indibidwal bilang isang functional literate sa ilalim ng 2024 FLEMMS, mas maraming junior high school graduates ang ngayo’y natuklasang hindi makaintindi.

Sa FLEMMS na isinagawa noong hanggang 2019, ang isang tao ay ikinokonsiderang functional literate kung makakabasa siya, makapagsulat, at makaintindi, o kahit high school graduate sa lumang kurikulum o kahit nakatapos ng junior high school sa K to 12 curriculum. Ngunit para sa 2024 FLEMMS, binago ng PSA ang depinisyon ng functional literate na isang tao na nakakabasa, nakakapagsulat, nakaka-compute, at nakakaintindi. Sa lumang depenisyon ay mayroon tayong 79 milyong constituents na ikinonsiderang functional literate, subalit sa kasalukuyang depenisyon kung saan tinanggal ang high school at junior high school, ang bilang ng functional literacy o lierate ay bumaba sa 60 milyon. Kaya may diperensiya na halos 18.9 milyon ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, committee chairman.

Ang 2024 FLEMMS ay isinagawa sa 572,910 indibidwal na kinuha mula sa 177,656 sample households sa buong bansa. Sa resulta ng survey ng PSA ay lumabalabas na isa sa limang nagtapos o humigit-kumulang 21% na nagtapos ng senior high school ay itinuturing na functional illiterate. Naitala ang pinakamalaking bilang ng functional illiteracy rate sa Region IX na may 41% ng kanilang populasyon o nasa 1,225,356 mga Pilipino, kung saan ang probinsiya ng Tawi-tawi ang may pinakamalaking bilang ng functional illiterate na may 67% o 218,000 mga Pilipino. Sumunod ang Davao Occidental na may 53% o halos 130,000 na functional illiterate, Zamboanga del Sur 49% o 399,000, Norther Samar 48% o 236,000, Basilan 48% o 150,000, Saranggani 48% o 209,000, Western Samar 46% o 283,000, Agusan del Norte 44% o 135,000, Sultan Kudarat 44% o 293,000, at Lanao del Norte na may 44% o 240,000.

Ayon pa sa ulat mayroong humigit-kumulang na 5.8 milyon na mga Pilipino ang hindi basic literate na ibig sabhin ay hindi sila nakakabasa at nakakapagsulat na may pagkaintindi, at hindi maka-compute. Naitala ang pinakamalaking bilang ng basic illiteracy sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na 16% ng kanilang populasyon o halos 582,000 Pilipino. Tawi-tawi ang may pinakamalaking bilang ng basic illiterates na may 36% o 117,000. Sumunod ang Davao Occidental na may 23% o 55,000, Basilan 23% o 71,000, Northern Samar 20% o 98,000, Saranggani 18% o 77,000, Lanao del Sur 17% o 155,000, Zamboanga del Sur 16% o 128,000, Western Samar 16% o 97,000, Sultan Kudarat 14% o 97,000, at Maguindano del Sur 13% ng kanilang populasyon o 64,000.

Sino ba ang maaaring sisihin sa nakapanlulumong datos na ito? Ang K to 12 curriculum? Ang paaralan? Ang mga guro? Ang mga magulang? O ang mismong DepEd. Lahat ay pwede nating sisihin dahil sa kabila ng mga makabagong kaalaman sa pagtuturo at ang umiiral na makabagong mga aparato ay mayroon pa ring napag-iiwanan na mga mag-aaral. Kailangan natin sigurong repasuhin ang mga pamantayan sa pagtuturo, maging istrikto sa pagpasa ng mga magtatapos at itigil na ang kultura ng “mass promotions” huwag lamang masabing napag-iiwanan ang paaralan, pasiglahin at magkaroon ng napapanahong pagsasanay sa mga guro.

Ibalik ang karampatang badyet ng kagawaran ng edukasyon upang kahit paano’y mabawasan ang bilang ng functional illiterate at basic illiterate na mga Pilipino. Kumilos na ang mga kinauukulan bago maging huli ang lahat. Kung ang nakakagimbal na bilang ng hindi marunong bumasa’t magsulat lalo pa ang umintindi na mga kabataang Pilipino ang siyang inaasahan nating pag-asa ng kinabukasan – anong kinabukasan kaya ang aasahan natin?

Amianan Balita Ngayon