BAGUIO CITY
Iniulat ng Baguio City Police Office ang pagkakahuli sa 305 driver sa mahigpit na ipinapatupad ngayong King of the Road ordinance, mula Mayo 29 hanggang Hunyo 5. Sa patuloy na pagsisikap ng BCPO na palakasin ang pagpapatupad ng batas trapiko at isulong ang kaligtasan ng publiko sa loob ng lungsod, ay inilunsad nila ang OPLAN D.R.I.V.E ,bilang suporta sa King of the Road Ordinance sa siyudad ng Baguio. Ang OPLAN D.R.I.V.E. ay nakasentro sa 3 E’s-Engineering, Enforcement, and Education na naglalayong itaguyod ang kaligtasan sa kalsada, disiplina, at bawasan ang mga insidente ng trapiko ng sasakyan sa lungsod.
Bago ang operationalization ng inisyatiba, binigyan ang mga enforcer ng malinaw na operational guideline kung paano ipapatupad ang City Ordinance of Baguio (COB) No. 7, series of 2010 o kilala bilang King of the Road Ordinance. Ang mga pangunahing probisyon ng ordinansa ay ang mandatoryong limang segundong full stop bago ang mga pedestrian lane, ang mahigpit na pagbabawal laban sa pagharang sa anumang bahagi ng pedestrian lane, ang kaukulang parusa para sa mga lalabag, at ang pangangailangan para sa mga nagkasala na dumalo sa mga mandatoryong seminar.
Bagama’t binigyang-diin ni City Director Col. Ruel Tagel, ang mahalagang papel ng pagpapatupad ng batas trapiko sa pangangalaga ng buhay, ipinunto rin niya na ang pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa kalsada ay isang shared responsibility ng mga motorista, partner agencies, at pedestrian. “Ang bawat responsableng aksyon sa kalsada ay mahalaga. Sa pamamagitan ng wastong pagpapatupad at pampublikong kooperasyon, makakagawa tayo ng mas ligtas na mga lansangan para sa lahat,” dagdag niya.
ZC/ABN
June 8, 2025
June 8, 2025
June 8, 2025
June 8, 2025
June 8, 2025