KULANG AT SOBRA…. PAREHAS NA PROBLEM!

Sala sa lamig…sala sa init. Ito ang sinaunang kasabihan at sumasalamin sa lahing Pinoy. Sa mababaw na pananaw: KULANG AT SOBRA…PAREHAS NA PROBLEMA! Ito ang temang gusto nating kaliskisan sa isyung ito ng daplis. Sundan: Kulang daw tayo ng kahandaan kung bakit nakapasok sa ating teritoryo ang Tsina. Maaring sobra ang ating tiwala. Sa ngayon, gusto ng makialam ang Amerika pero maraming PERO ang dapat maresolba. Tiyak na hindi na aalis ang Tsina sa kanilang sinakup na teritoryo ng Pilipinas.

Kasi nga, ayon sa kanila…teritoryo nila ito. Kung sana lupa ang WPS, may mga muhon tayo sa bawa’t boundary. At natural na may kanya-kanya tayong bakud. Mas madali sanang matukoy kung alin dito ang atin at kanila. Ayon sa mga analysts: maraming siglo pa ang gugugulin bago maresolba ang tensiyon sa WPS. Ang nakakatakot ay kung magpatigasan ang mga saklaw ng problemang ito, baka lalala pa ang ibubunga. Batid ng lahat na sa pagunlad ng siyensiya….sa isang pindot lang…tunaw ang isang bansa.

Kamakailan, kinapus tayo ng ilang agrikultural na produkto. Patung-patong na sisihan. Kesyo kaya nagkulang kasi may nagtatago. Naghalukay. Totoo nga. Meron bang naparusahan? Inaabangan pa. Dumiskarte naman ang gobyerno: paramihin ang ani, tulungan ang mga magsasaka. Pero teka lang, pards: papano darami ang ani kung kapus naman sa tubig ang mga sakahan. Papano rin darami ang masasakang lupa kung ginawa na itong mga subdibisyon dahil sa bentahan. Ang kawawang mga magsasaka, nasa siyudad na at nakikipagsapalaran.

Sa parte naman ng mga mangingisda, ganun din ang problema. Maluwang nga ang karagatan. Kulang naman sila ng pangisdang gamit at kung meron man, nakikipag-agawan pa sila ng isda sa mga dayuhang may mas makabago na ang kaalaman sa pangingisda. Sabi ng ilan: dapat pairalin ang mga tuntunin sa pangingisda…kung kailan at saan at papano mabantayan laban sa pagsasamantala. May panukala si Senador Francis Tolentino na ideklara ang “State of National Calamity” dahil sa paglaganap ng African Swine Fever sa bansa.

Ayon sa kanya, kumalat na ang ASF sa mga babuyan sa may 54 na lalawigan na mahigit sa kalahati ng 82 lalawigan sa buong bansa. Siyempre, apektado ang presyuhan ng karneng baboy kung manipis ang suplay. Isang praktikal na suhestiyon ng ilan: alalayan sana ng gobyerno ang mga magbababoy gaya ng subsidiya sa pakain hanggang sa bentahan ng produkto. Ang masaklap kasi, maraming lugal sa bansa ang ayaw ng mga residente ang pagtatayo ng babuyan dahil sa amoy. Kung sundin ang tamang pagaalaga, palagay namin hindi magiging problema ang mabahong amoy sa mga babuyan.

Ayuda lang ang kailangan mula sa pamahalaan. Ganito rin ang dapat gawin sa mga manukan. May banta na baka raw kapusin tayo ng itlog o kung meron may ay di sapat at tiyak na magmamahal. Dapat maresolba ang problemang ito. Sabi nila, kapus daw tayo sa mga nurses dahil marami sa kanila ay nangingibang bansa kasi mas malaki ang kita. Matagal na itong isyung ito. Hindi lang mga nurses kundi marami pang propesyonal ang umaalis ng ating bansa upang makabawi sa ginasta noong sila’y nag-aaral pa. Sabi nila, kapus din tayo sa mga guro.

Hindi ba’t marami ang graduates pero kulang naman ang mga eskwelahan? Daplis nga ng ilan: hanggang ngayon, kulang pa rin daw tayo ng silid-aralan dahil dumarami ang papulasyon. Talaga
yatang ganito na ang kalakaran ngayon. May sobra, may kulang. Alin ba ang tama? Insentibo ba ang kulang? Di ba’t kamakailan lang, aprub na sa House of Representative ang panukalang batas na magbibigay ng P1Milyong cash gift sa mga Pinoy na aabot sa 101 taong gulang? Dati kasing isang daang libo lang. Pero teka lang, pards…salamat sa isang milyong gift ng gobyerno, pero magagamit pa kaya ito ng mga edad101 pataas? Di ba parang huli na yata ang ayuda sa kanila? Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon