LA NIÑA MAAGANG PINAGHANDAAN SA LUNGSOD NG BAGUIO

BAGUIO CITY

Bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng La Niña, iniutos ni Mayor Benjamin Magalong ang agarang pagpaplano ng lungsod upang maiwasan ang matinding pinsala na maaaring idulot ng matagalang pag-ulan at malalakas na bagyo. Ayon kay Magalong, kasalukuyang nararanasan ng lungsod ang halos pitong buwang tagtuyot dulot ng El Niño. Dahil dito, may pangamba na ang susunod na hamon ay ang La Niña, na maaaring magdala ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa. Kaugnay nito, isa sa mga hakbang ng lungsod ay ang pagpapatuloy ng mga proyekto sa ilalim ng “Making Cities Resilient (MCR) 2030.”

Layunin nitong gawing mas handa at matatag ang Baguio sa harap ng mga sakuna at epekto ng climate change sa mga susunod na taon.
Kasama rin sa preparasyon ang pagsasaayos at paglilinis ng mga kanal, ilog, at mga daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbaha.
Tinututukan din ang mga barangay sa pamamagitan ng mga seminar at training ukol sa disaster response at climate change adaptation, sa tulong ng City Disaster Risk Reduction and Management Office na pinamumunuan ni Engineer Charles Bryan Carame. Isa pang inisyatibo ng lungsod ay ang tinatawag na “orange bag” project. Sa ilalim nito, inaasahan na ang bawat barangay ay may nakahandang emergency kit na may mga gamit para sa mabilis na pagresponde sa sakuna. Ayon kay Magalong, layunin nito na maging mas handa ang bawat komunidad sa oras ng pangangailangan.

Nickhole Gutierrez/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon