LA TRINIDAD, BENGUET – Magsisimula na ang lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng Carless Day sa Mayo 3, 2018.
Ito ay matapos nilagdaan ni Mayor Romeo K. Salda ang Executive Order No. 05-2018 na nagdedeklara sa unang Huwebes ng bawat buwan bilang Car-free Day sa munisipalidad ng La Trinidad.
Ayon kay Atty. Miller E. Quintin, municipal administrator, saklaw ng naturang atas ng mayor ang lahat ng pribadong sasakyan, kabilang na ang motorsiklo, na pumapasok, nakaparada at dumaraan sa sakop ng Municipal Building maliban sa mga sasakyan ng gobyerno at mga pribadong sasakyan na gamit ng mga may kapansanan at Senior Citizen.
Ang sakop na lugar ay kinabibilangan ng municipal grounds, parking area at gymnasium parking area; hindi kabilang dito ang kalsada ng Trading Post.
Paliwanag ni Quintin, target ng panukalang ito na lahat ng nagtatrabaho at pumupunta sa munisipyo ay hindi gagamit ng sasakyan papunta sa munisipyo mula 6am hanggang 6pm kapag car-free day. Hindi rin maaaring magparada sa mga sakop na lugar.
Ang La Trinidad ang unang bayan na tumugon sa Resolution No. 23 at 25 ng BLISTT (Baguio City, La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba at Tublay) Airshed Governing Board na humihiling sa mga lokal na pamahalaan ng limang munisipalidad at isang lungsod na magdeklara ng carless day sa kanilang nasasakupan.
Ang BLISTT Airshed ay nabuo sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources Administrative Order (DAO) 2003-04 bilang pagsunod sa DAO 2000-81 at Section 9 ng Republic Act 8749 (Clean Air Act). Ang airshed ay mga magkakalapit na lugar na halos magkakapareho ang klima, meteorolohiya at topolohiya na nakakaapekto sa pagpapalit at pagkalat ng pollutants sa kapaligiran; at mga lugar na may magkakaparehong interes, programa at kinakaharap na problema sa kapaligiran. Layunin ng pagbuo ng airshed na magkaroon ng epektibong air quality management, sistema, at magkakaparehong hakbang na ipapatupad.
Sinabi ni Quintin na sa pagpapatupad ng Carless Day ng munisipyo ay sumunod ang mga barangay na magtakda rin ng araw para limitahan ang paggamit ng mga sasakyan sa kanilang nasasakupan.
Dagdag pa niya, tulong ito sa kalikasan para mabawasan ang air pollutants. MARK PAUL K. PERALTA, UB Intern / ABN
April 21, 2018
June 14, 2025