CAMP COL. JOAQUIN P. DUNUAN – Isang 22 anyos na lalaking sakay ng motorsiklo na sa una ay pinahinto ng mga pulis sa isang checkpoint dahil sa hindi pagsusuot ng helmet ang kalaunan ay inaresto dahil sa illegal possesion of firearm.
Kamakailan ay pinalakas ng Lamut Municipal Police Station (MPS) alinsunod sa Philippine National Police’s Peace and Order Agenda for Transformation and Upholding of the Rule-of-Law 2030 (PNP PATROL 2030), sa pangunguna ni PCI Edgar Liwayan Tapo, acting chief of police, ang kanilang police operation sa pagsasagawa ng checkpoint.
Isinagawa ng mga tauhan ng Lamut MPS ang checkpoint sa kahabaan ng national road ng Poblacion West, Lamut Ifugao partikular sa harap ng Lamut Police Station para sa implementasyon ng R.A. 4136 o Land Transportation Code of the Philippines noong Hulyo 11, 2018.
Bandang 6:45pm ng parehong araw, nang pahintuin ang isang motorsiklo na lulan ang isang lalaki dahil sa hindi pagsusuot ng helmet. Nilapitan ni SPO3 Jose Abluyan Jr ang drayber at sinabi ang kaniyang paglabag at hiningan ito ng driver’s license, original receipt at certificate of registration (OR/CR). Subalit nang buksan ng suspek ang kaniyang itim na sling bag at inilabas ang OR/CR at kaniyang lisensiya, nakita ni PO3 Victor Dawong Jr. ang isang hand gun na nakalagay sa bag. Sinabihan ang suspek na ipakita ang lisensiya ng armas subalit wala itong maipakitang kahit anong dokumento kung kaya’t inaresto ng mga tauhan ng PNP ang suspek sa paglabag sa R.A. 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammos).
Kinumpiska ng mga umarestong tauhan ang isang single shot gauge 12 handgun na walang serial number at apat na live ammunitions gauge 12 at inabisuhan ang suspek ng uri ng kaniyang pag-aresto at ang kaniyang constitutional rights sa salitang naiintindihan niya.
Ang naarestong lalaki ay dinala sa Lamut MPS para sa imbestigasyon at nakilalang si Melvin Carl Tayaban Buyawe, 22 anyos, laborer, at residente Maalig, Tupaya, Lagawe, Ifugao.
Iprinisinta si Buyawe sa Ifugao Provincial Prosecutor’s Office sa Lagawe noong Hulyo 12, 2018 para sa inquest proceedings. Sa pagkatuklas ng probable cause ng Inquest Prosecutor Zenaida Munar-Niwane, kasong paglabag sa RA 10591 sa ilalim ng Criminal Case No. 2870 ang ipinila laban sa suspek na may recommended bail bond na P100,000 sa Regional Trial Court (RTC) Branch 14, Lagawe, Ifugao.
Dinala ang suspek sa BJMP, District Jail, Tiger Hill, Baguinge, Kiangan, Ifugao sa pamamagitan ng Commitment Order na inilabas ni Judge Romeo U. Habbiling, presiding judge ng nasabing korte. SPO2 JORDAN NGATIYON, PNP-IFUGAO
July 7, 2018