LAMAN NG NAKARAAN SA KASALUKUYAN

Noon at ngayon…malaki na ang agwat sa ano mang pangyayari at kaganapan. Nagkaroon na ng lumot at lamat ang pinagmulan ngunit ang ala-ala ay sariwa pa at buhay na buhay. Ito ang bumubuo sa isang kasaysayan lalo pa’t masalimuot at delubyong hirap ang
pinagdaanan. Ito ang kasaysayang bumuo at naglilok sa tibay ng kasalukuyan. Sipatin natin ang ilan: Musmos pa ang mumunting isla ng ating bansa at nasa alapaap pa noon ang kakarampot na kaalaman ang ating mga ninuno kung papano ito pagyamanin. Sa sarili nilang
talino at pagsisikhay naitataguyod nila ang kanilang payak na kabuhayang minana pa sa mga sinaunang henerasyon.

Naroon ang saya dahil dama nila ang katuparan ng kanilang nasimulang pangarap. Di nila sukat akalain na sasakupin sila ng mga
mapang-aliping lahi at mababago ang direksiyon ng kanilang mga pangarap. At sa pananakop ng ibang lahi..doon na nagsimul ang pagsibol ng panibagong lahi at pagbabago ng simulain. Ang lahing nag-ugat sa pawis ng mga katutubong humubog sa simulain ng bansa ay nalambungan ng mga bagong kaalaman na naging ugat ng bagong pag-asa ng pag-unlad. Dito na nagsimula ang panibagong pakikibaka ng kasalukuyang henerasyon. Henerasyong lalong pinasidhi ng mga samu’t-saring pagsubok na halos nangwasak sa ating pondasyong kinagisnan.

Dito nag-ugat ang pagkakawatak-watak at nagkanya-kanya na ng lipi pati na ang ugali at pananaw sa buhay. Ito na ngayon ang
kasalukuyang panahon na ating minana sa nakalipas na panahon. Sa transportasyon…mula sa hamak na kariton na hatak ng kalabaw hanggang sa nagkaroon ng gulong na naging “kalesa” na hatak naman ng kabayo na ngayon ay unti-untio ng nabubura sa mga lansangan. Sa makabagong panahon, marami na ang mga sasakyang pumalit kasabay ng mga pagbabago sa ating lipunan. Sa ngayon nababago na pati ang mga tradisyonal na jeep at ginagawa ng moderno bagama’t ang mga luma na’t maayos ay tumatakbo pa.

Meron na namang pinakabagong sumulpot. Ito ang mga sasakyang hindi na gumagamit ng gasoline kundi koryente na. Sa mga sakahan,
kung dati ay mga kalabaw ang humahatak sa araro…napalitan na ngayon ng mga traktora o de-makina. At sa paglalakbay…sa dagat, lupa at himpapawid…makabago na rin. Ngunit sa mga liblib na lugal…buhay pa rin ang mga payak na pamumuhay. Sa negosyo….nagkakasya
tayo noon sa sariling ani at kalakal hanggang sa naragdagan ng panibagong sistema dahil sa mga pumasok na dayuhang kaalaman.
Sumulpot na rin ang mga paktorya o mekanismo upang magiging angkop sa panahon ang kalakaran o pagnenegosyo.

Dangan nga lamang sa sobrang talino ng tao…dito nasilang ang mga kontrabando at mga illegal na kalakal. Sumabay man ang mga hinubog na mga panuntunan o batas…patuloy pa rin ang mga illegal na gawi ng iba’t-ibang lahi dahil sa iba’t ibang estilo ng pagnenegosyo
sa hangaring umunlad at makaungos sa iba. Sa kasalukuyan…ang mga mumunting isla ng bansa ay nagkaroon ng bagong buhay na sa panahon nagiging makabagong sentro ng kaalaman sa makabagong henerasyon. Ang hadlang sa ating mga pangarap ay ang pagkakanya-kanya at pansariling motibo sa buhay.

Nalilimot na ang simulaing binuo noon ng ating mga ninuno na nakipagbaka sa mga mananakop. Sana ang aghikain ng ating mga yumaong bayani ay panatilihing buhay sa salin-lahi ng ating henerasyon bilang paggalang sa kanilang mga pangarap para sa ating munting lahi. Sana kahit magbago man ang panahon ay buhay pa rin sa atin ang nakalipas na simulain. Sana ang mumunting islang bumubuo sa ating bansa ay patuloy na magkabigkis laban sa lahat ng uri ng pang-aapi, pananakop at pang-aalipusta. Sa ngalan ng Araw Ng Kasarinlan…Mabuhay anating lahi…Mabuhay ang Pilipinas.. adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon