“LUMALAPAD ANG INTERES NG EKONOMIYANG US SA PAGMIMINA NG PILIPINAS”

Lalo pang lumalapad ang papel ng Amerika sa pagmimina sa Pilipinas, ngunit hindi lang sa balangkas ng mismong pagmina ng gold ore o iba pang mineral, kundi ayon kay US Ambassor
MaryKay Carlson, sa pakikipagtulungan upang itulak ang responsableng pagmimina. Nakaraan na umano ang porma ng pagmiminang walang habas na pagkamal ng ginto kahit ano pa ang masagasahan, lalo na ang kapaligiran at mga katutubong nakatira sa miniminang lugar at karatig pang pook.

Ninanais ng mas mahigpit na pakikipagtulungan ng gobyernong Amerika sa Sambayanang Pilipino upang itaguyod ang kasaganahan ng nakararaming Pilipino, lalo na ang kalikasan. Sa sidelines ng katatapos lamang na 69th Philippine Mine Safety and Environment Conference sa Baguio City,
pumirma sa “Memorandum of Understanding for the Partnership for Sustainable Development and Investment in Mineral Extraction and Processing” ang mga kinatawan ng gobyernong Amerika at Pilipinas sa pagsasakatuparan ng $5 million (P280M) technical assistance program sa pagmimina sa bansa.

Ninanais ng kasunduan na higit pang suportahan ang tunguhin ng pagmimina sa bansa bilang mayor na producer ng mineral at mamaksimisa ang yaman ng bansa. Bukod pa’y, nais din maisaayos ang mga proseso sa pagkuha ng mining permits, maitugma ang mga polisiya, maisaayos ang mga minimum na pamantayan sa pamamahala upang mapadali ang mga paglikum ng pamumuhunan sa minerals processing at iba pang downstream industries na kakabit ng mining industry.

Giit pa ni USAID Deputy Mission Director Rebekah Eubanks sa naturang MoU signing sa US Ambassador’s Residence sa Camp John Hay, sinususugan ng goberynong US ang pangarap ng Pilipinas bilang “hub” ng minerals processing at pagmamanupaktura ng renewable energy systems, evehicles at battery components. Kabalikat umano ng Pilipinas ang Amerika sa pagpupursigi sa sustenableng pagmimina na aambag sap agangat ng ekonomiya ng Pilipinas.

Pangako naman ni Kalihim Maria Antonia Yulo-Loyzaga ng DENR, ang digitalization at digitization ng mga proseso sa kanyang Kagawaran ang mahalagang ambag upang lalong mapadali ang
pamumuhunan at pangangalakal sa bansa. Napakatagal nang panahon ang “pakikipagtulungan” ng
Amerika sa Pilipinas kung sa lokal na pagmimina, hindi lamang sa pamamagitan ng mismong operasyon ng mga kumpanyang eksperto sa larangan, kundi pakikipagtulugan sa mga lokal na kumpanyang nakatuon sa pagmimina.

Ang tanging pagbabago lamang ngayon, kung tuwirang maisasakatuparan ang mga panibagong kasunduang pangangalakal ng gobyernong Pilipino at Amerika, ay ang pangunguna sa interes ng mga mamamayan ng bawat bansa, hindi ang ganasya mula sa pagmimina.

Amianan Balita Ngayon