MADUGO KAYA ANG DARATING NA HALALAN?

Tila nagpapakita na ang ilang mga indikasyong magiging madugo ang darating na halalang 2025 sa ilang bahagi ng Northern Luzon. Sa Pugo, La Union kung saan nagpanukala ang isang kakandidatong lumipat ng tirahan at mag-iskema ng mga “flying voters”, ay pruwebang nais maupo sa pwesto “by hook or by crook”. Nais ng kandidatong itong lumaban ng hindi patas, samakatwid, mandaya at manlinlang. Kaya’t hindi malayong gumamit din ito ng salapi at ang kinatatakutang dahas upang manalo lang.

Lalo na at nakasandal diumano itong kandidato sa isa pang malaking pulitikong kamg anak na masalapi at maimpluwensiya, at sa nakara’y kinatakutan dahil may kakayahang diumano itong magpapatay ng kalabang pulitiko. Ngunit malamang hindi patitinag ang kalaban nitong incumbent dahil, gaya ng “challenger”, mula din ito sa maimpluwensiyang pamilyang may rekurso rin at loyalista. Sa bandang huli, kawawa na naman ang taumbayang nalinlang at nagpalinlang. Mga nagamit at nagpagamit. Mga pamilyang nagkasakitan at nasaktan.

Mga nasaktan, pati mga nanakit. Mga napatay, pati pumatay dahil habang buhay ang lamat sa kanilang pagkatao ang pangyayari. Hindi kalayuan, sa lalawigan ng Abra’y nag umpisa nang magkumpol kumpol umano ng mga hindi kilalalang mga kalalakihan sa ilang bahagi ng probinsya na suspetsa’y “goons” ng pulitikong pamilya. Nararapat lamang na hangga’t maaga, masolusyunan na ito ng Philippine National Police, sa tulong ng Philippine Army na nakatalaga sa lugar, dahil kung pabayaang umalagwa ang sitwasyon, tiyak madugong digmaan ang sasalubong sa pagpipila ng kandidatura sa Oktubre.

Tiyak na batid ng otoridad ang mahabang kasaysayan ng madugong tunggalin ng mga pulitiko sa Abra na gagabay sana sa pro-active at hindi reactive na law enforcement action sa lalawigan. Sa mga aral ng nakaraan, gabay na lamang sana ang mga naging madugong enkwentro ng mga “goons” at mga naging aksyon ng pamahalaan. Dahil gaya nang pinangangambahang magiging sitwasyon sa Pugo, La Union, tanging ang biktima’y mga karaniwang taong namamanipula ng makalumang pulitikang madumi at madugo.

 

INDICATION OF THE TRUTH

Amianan Balita Ngayon